Mahaba, malambot, at madulas. Iyan ang bulateng nakukuha sa ilalim ng buhangin sa tabing-dagat na kung tawagin ay "Sasing." Pinandidirihan man ng iba, pero para sa ilang taga-Quezon, biyaya ito ng kalikasan na puwedeng kainin kahit hilaw at maaari pang pagkakitaan.
Sa isang episode ng programang “I Juander,” sinabi ni Jimmy Antia, na kumikita siya ng P500 sa panghuhuli ng sasing.
Namana daw niya ang panghuhuli ng naturang bulate mula sa kaniyang ama, at ipinapasa na niya ngayon sa kaniyang anak.
Nakukuha lamang ang sasing kapag low-tide, dahil nagtatago ito sa ilalim ng buhangin. Bagaman dapat mabilis ang kamay sa pangunguha ng sasing, kailangan pa ring maging maingat sa paghawak nito dahil mabilis itong maputol.
Ayon kay Antia, mainam ang sasing kapag kinain nang hilaw. Iniinom niya rin ang dugo nito.
Pero paalala ni Maria Joanna Cruz-Balili, Nutritionist Dietitian, maraming dapat ire-consider bagaman enjoyable ang pagkain ng exotic seafood.
Kabilang rito ang pagsusuri kung ano ang kakainin, at kung saan ito nakuha.
"Kasi baka mamaya hindi siya safe to consume by human body. Baka ito ay may mga toxin, kung gaano ito ka-safe. Siyempre kailangan natin i-consider saan ba natin siya nakuha. Siyempre, yung freshness," sabi ni Cruz-Balili.
Papaano ba ang tamang pagkain sa sising na hilaw? Panoorin ang video ng "I-Juander."-- FRJ, GMA Integrated News