Laking pagtataka ang isang pamilya sa Florida, USA nang wala silang nakitang pagkain na kanilang inorder at iniwan naman ng nag-deliver sa labas ng kanilang bahay. At nang suriin nila ang video sa camera ng doorbell, nakita nila kung sino o ano ang salarin.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang staff ng isang food delivery service na iniwan sa labas ng pintuan ang inorder na pagkain ng isang pamilya na umaabot sa P2,500 ang katumbas na halaga.
Pero isang oras pa ang lumipas bago kinuha ng pamilya ang kanilang order na iniwan sa labas ng pintuan. At nang buksan nila ang pinto, laking gulat nila nang malaman na wala ang pagkain, at tanging natapong inumin na lang ang kanilang inabutan.
Nang tingnan nila ang camera sa doorbell, nabisto nila na isang black bear ang tumangay sa kanilang order.
Ayon sa pamilya, dalawang beses pang bumalik sa lugar ang oso at may nakuha namang mga inumin.
Nakatanggap naman ng refund mula sa food delivery service ang pamilya nang mag-viral sa social media ang video.
Sa Barkhamsted, Connecticut naman, parang Akyat-Bahay ang estilo ng isang black bear din na pumasok sa isang bahay.
Pero hindi mga gamit o gadgets ang puntirya niyang tangayin kundi pagkain din na nasa loob ng ref.
Makikita sa video na binuksan ng oso ang ref at may kinuhang nakasupot mula sa loob.
Nang makuha ang kaniyang pakay, umeskapo na ang oso na dumaan sa bintana.
Karaniwan daw sa ilang lugar sa Amerika ang naturang mga insidente na kinasasangkutan ng mga black bear. Pero bihira naman ang insidente na inaatake nila ang mga tao.--FRJ, GMA Integrated News