Nagising ang isang lalaki sa ingay ng kaniyang mga alagang pusa na inaatake na pala ng isang dambuhalang sawa na nakapasok sa kanilang bahay sa Bangkok, Thailand.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, madidinig ang ingay ng mga pusa na nasa kulungan na natatakpan ng tela.

Dahil sa ingay, nagising ang amo ng mga pusa at dito niya nakita ang malaking sawa na dali-dali niyang hinatak para mailayo sa kulungan ng kaniyang mga alaga.

Pero hindi kaagad niya nailayo ang sawa kaya hinanap niya ang ulo nito at hinawakan. Dito na siya mistulang makipagbuno sa sawa na mas malaki pa sa braso niya ang taba ng katawan.

Inabot ng dalawang mintuo bago niya nahila ang sawa palayo sa kaniyang mga pusa.

Ayon sa mga awtoridad, umabot sa 16 na talampakan ang haba ng sawa na isang reticulated python.

Hindi naman sinaktan ng lalaki ang sawa na dinala niya sa talahiban. Iniulat din niya sa wildlife rescue team ang insidente na nagpunta sa kanilang lugar kinabukasan para subukang hanapin ang sawa.

Gayunman, wala pang ulat kung nahuli ang sawa kaya hindi maiwasan ng lalaki at kaniyang mga kapitbahay na matakot na baka bumalik ang umatake muli ang sawa. --FRJ, GMA Integrated News