Isang barangay sa Dapitan City, Zamboanga del Norte ang tila lapitin ng mga AFAM o dayuhan ang mga babae dahil sa dami na nagkakaroon ng jowa o napangasawang foreigner. Kabilang dito ang isang dalaga na nakatanggap ng pamba-bash sa netizens dahil umabot na sa siyam ang foreigner na kaniyang nakilala sa dating apps.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng opisyal sa Barangay Cawa-Cawa, na aabot sa apat na residente sa kanilang lugar ang nakapag-asawa ng dayuhang, at hindi naman bababa sampung babae ang nagka-jowa ng AFAM.

Si Vilma, aminado na bumuti ang kanilang buhay dahil sa nakapag-asawa ng Australyano ang kaniyang pamangkin na si Cherry.

Sa Australia na nakatira si Cherry kasama ang mister nito, at sinusuntentuhan naman sila sa Dapitan.

Ang single mom na si April Rose, nagkaroon din ng jowang AFAM na nagpapadala rin sa kaniya ng pera. Pero hindi gaya ni Cherry, hindi nauwi sa pangmatagalan ang relasyon niya sa dayuhan.

Ayon kay April, higit sa pera, nais niya na matanggap ng AFAM na kaniyang mamahalin ang kaniyang nakaraan, kasama ang kaniyang anak.

Samantala, naniniwala naman ang dalagang si Sheena Marie Parami, na may taong nakalaan para sa lahat, dayuhan man o hindi.

Noon pa man, gusto raw talaga ni Sheena na dayuhan ang kaniyang maging "The One." Kaya naman gumagamit siya ng mga dating app para makakilala ng AFAM.

Sa loob ng apat na taon, siyam na dayuhan na kaniyang nakaugnayan. Pito sa mga ito ang kaniyang naging jowa. May Iraqi, Pakistani, Amerikano at iba pa.

Aminado si Sheena na ilan sa mga ito ang nagpapadala sa kaniya ng pera. Dahilan para ma-bash siya at akusahan na bayaran at gold-digger.

Pero paglilinaw ni Sheena, hindi siya ang nanghingi ng pera sa mga dayuhan. Ang pinakamatagal na nakarelasyon umano niya ay tumagal ng dalawang taon.

Ngayon, umaasa si Sheena na mahahanap na niya ang itinadhanang AFAM na para sa kaniya matapos niyang makilala ang African-American na si Stephen Stewart.

Tatlong buwan nang magkarelasyon ang dalawa. At kahit nagpapadala ng pera si Stephen sa dalaga, hindi niya itinuturing pinagsasamantalahan siya ng kasintahan.

"I don't believe Sheena is a gold digger or using me for anything like that," ayon kay Stephen, na deklaradong mahal niya ang dalaga.

At para patunayan na mahal niya talaga si Sheena, may ipinangako si Stephen. Ano kaya ito? Panoorin ang buong kuwento at paalala ng ilang eksperto sa mga kababaihang naghahanap ng jowa o asawang AFAM. -- FRJ, GMA Integrated News