Isang maliit na isla ang umusbong sa Japan matapos magkaroon ng undersea volcanic eruption. Pero ang magiging kapalaran ng bagong isla, wala pang katiyakan.

Ayon sa GMA Integrated Newsfeed, batay sa mga lumabas na ulat, nitong nakaraang Oktubre 30 nang maganap ang pagsabog sa bahagi ng southern coast ng Iwo Jima sa Okinahama waters.

Pero kamakailan lang, patuloy na may naitatalang volcanic activity sa lugar. Sa ngayon, ilang pulgada pa lang ang lawak ng umusbong na isla.

Paniwala ng mga eksperto, maaari pa umano itong maglaho sakaling lamunin ng malalaking alon. Ngunit kung magpapatuloy naman ang undersea volcanic eruption, posible rin naman itong lumawak pa.

"It's hard to know when it will stop, but assuming the eruption continues, the island could grow higher and bigger," ayon kay Setsuya Nakada, propessor emeritus Earthquake Research Institute, Tokyo University.

Ayon sa Japan Meteorological Agency, noong 2022 pa sila nakakapagtala ng volcanic activity sa lugar.

Ang bagong isla ay malapit sa Iwoto Island na bahagi ng Ogasawara Islands sa Western Pacific.

Bagaman nagkakaroon ng mga bagong isla sa Japan, mayroon ding naglalaho gaya ng Esanbe Hanakita Kojima island na malapit sa Hokkaido, na tuluyang naglaho noong 2018.-- FRJ, GMA Integrated News