Nagsimula lamang sa matinding pananakit ng tiyan, kinalaunan ay nagkaroon na ng seizures at hindi na makontrol ng isang babae ang kaniyang katawan nang dahil sa isang pambihirang health disorder. Ang hinihinalang ugat nito, ang umano'y sa pambu-bully at trauma na naranasan niya noong kaniyang kabataan.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagpabalik-balik ang 22-anyos na si Blissica Pearson sa ospital noong 2023 dahil hindi matukoy ng mga doktor ang dahilan ng pananakit ng kaniyang tiyan.

Kalaunan, nagkaroon na rin si Pearson ng tics o biglaan at hindi makontrol na paggalaw ng kaniyang katawan.

Nakaranas din siya ng seizures o panginginig na may kasamang pagsusuka.

Isinailalim sa maraming test si Pearson, hanggang sa makumpirma ng doktor ang kaniyang sakit na Functional Neurologic Disorder, isang kondisyon na nagkakaproblema ang utak sa pagpapadala at pagtanggap ng signals kaya naaapektuhan ang galaw ng katawan.

Base sa National Institute of Neurologic Disorders and Stroke, wala pang natutukoy na eksaktong dahilan kung bakit nagkakaroon ng FND ang isang tao.

Gayunman, posibleng dulot ito ng childhood trauma at stress noong kabataan ng pasyente.

Ayon kay Pearson, may matindi siyang pinagdaanan noong nag-aaral pa siya.

“For years at school, I was bullied and attacked, so much so that I changed my name when I was older. That was very traumatizing as a kid. I was too scared to leave the house for years,” sabi ni Pearson.

Umaabot sa 17 seizures kada araw ang nararanasan sa kasalukuyan ni Pearson.

Naaapektuhan na rin ang kaniyang pamumuhay, trabaho at pagsasalita.

Patuloy ang pagsailalim niya sa therapy at iba pang uri ng gamutan.

“I can’t do anything alone, I have to rely and count on other people. Therapy is so important for everyone. Don’t let FND take over your life, if you can,” sabi ni Pearson.-- FRJ, GMA Integrated News