Humaharurot ang tagumpay ng isang dating tricycle driver na dahil sa pagsisikap at pagpasok sa iba’t ibang trabaho ay natupad ang pangarap na magkaroon ng Bali-inspired resort sa Porac, Pampanga.

Sa programang “Good News,” ipinakilala si Regnier Caligagan, may-ari ng mala-paraisong resort sa gitna ng kabukiran na Reca Farm and Resort.

Trending ang resort ni Caligagan sa social media dahil sa mala-Bali, Indonesia na tema ng kaniyang resort.

“Noong nag-aaral ako, naisipan kong maghanap ng hanapbuhay na puwede kong isabay sa aking pag-aaral. Ang napili ko, gaya ng pagta-tricycle,” sabi ni Caligagan.

Maagang naulila sa ama si Caligagan, kaya todo ang kaniyang pag-arangkada sa pag-tricycle para matustusan ang pag-aaral.

Bukod dito, pinasok din si Caligagan sa iba't ibang trabaho para matulungan ang kanilang ina, kabilang na rito ang pagiging tanod ng barangay.

Nagtrabaho rin siya sa isang kumpanya bilang isang sales representative. Kalaunan, sinimulan niya na ring pasukin ang online selling.

Matapos nito, sinimulan na niya ang negosyong farm resort na kaniyang pinapangarap.

“Pumasok sa isip ko, na dahil mahilig kaming mag-travel. Para hindi na kami lumalayo, nag-put up kami ng sariling private resort,” sabi ni Caligagan.

Nag-umpisa lamang si Caligagan sa isang villa, hanggang sa pumatok ito sa mga parokyano, kaya itinuloy niya niya ang pagpapagawa.

May laking isang ektarya ang Reca Farm and Resort at may extension na 1.4 ektarya.

Para sa mga bibisita, maaari nang magpalamig sa mga air-conditioned na kubo. Para naman sa ultimate relaxing experience, maaaring sulitin ang infinity pool na sakto sa pagpapalamig ngayong papalapit ang summer.

Mula lamang sa isang Bali-inspired na villa, mayroon na sila ngayong 51 na private villa, at may patapos pa silang dalawang private villa.

Sa likod nito, mas pinagkakagastusan ni Caligagan ang pagtulong sa kapwa sa halip na mamuhay nang marangya.

“Kasi ‘pag birthday ko, naging tradisyon ko na, sa halip na maghanda ako, ‘yung paghahanda ko, ibinibigay ko lang sa foundation,” sabi ni Caligagan.

Tunghayan sa Good News ang sorpresang handog ng dating tricycle driver na si Caligagan, sa isang tapat na tricycle driver na nagsauli ng cellphone ng pasahero nito. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News