Isang buwan makaraang masawi ang isang rider matapos na bumangga sa isang sasakyan nang mag-counterflow sa Skyway sa Baliktawak, isa na namang motorsiklo ang nakalusot at nakapag-counterflow sa naturang expressway.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha sa dash-cam ng isang motorista na naka-upload sa mobility network Visor, sa biglang pagsulpot ng motorsiklo noong hatinggabi umano ng Lunes.

Sa video footage, makikita ang motorsiklo na nanggaling sa kanang bahagi ng daanan at lumipat ng linya sa kaliwa ng motorista.

"Uy, putik! May nagka-counterflow sa Skyway," madidinig sa video. "Muntik ko nang mabangga."

Nakaiwas man sa disgrasya, nag-aalala pa rin ang motorista na baka may ibang makabangga sa rider.

Noong nakaraang buwan, nasawi ang isang rider na nag-counter flow at bumangga sa kasalubong na sasakyan sa Skyway Stage 3 na sakop ng Balintawak, Quezon City.

BASAHIN: Rider, patay matapos mag-counter flow sa Skyway at sumalpok sa isang sasakyan

Sa inilabas na pahayag ng Skyway sa nangyaring insidente noong Marso, sinabing nanggaling ang motorsiklo sa A. Bonifacio Avenue, at umakyat ng off ramp ng Skyway north bound na pababa ng NLEX.

Sa pinakabagong insidente, hinihingan pa ng pahayag ang pamunuan ng Skyway, ayon sa ulat.

Pero ang tagapagsalita ng NLEX na si Donna Marcelo, sinabi na ang nahuli-cam na motorsiklo ay nanggaling sa A.Boni/Monumento. Wala raw napansin ang kanilang security guard na pumasok sa entrada ng Quirino Highway.

"Based on the video, the security of Skyway was also not able to flag down the rider, who went straight to Sgt. Rivera exit. They were not able to apprehend as well," sabi pa ni Marcelo.

Bilang dagdag na security measure, magdaragdag daw sila ng mga plastic barrier sa pagitan ng NLEX lane 4 at Skyway off ramp para mapahaba ito at maging mahirap para sa mga motorsiklo na mag-U-turn. -- FRJ, GMA Integrated News