Isang  IT expert ang nag-imbento ng app upang tulungan ang publiko na makahanap ng palikuran na may panghugas na "bidet" at hindi lang tabo kapag nasa pampublikong lugar.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang paghahangad ng malilinis na toilet sa mga pampublikong lugar na kompleto ang pasilidad lalo na kapag inabot nang matinding tawag ng kalikasan ang nagtulak kay Lawrence Velasco para maimbento ang app na tinawag niyang "San Bidet."

"Pinaka-importante niyang feature find the nearest bidet pag-klinik [click] niyo po, ila-launch niya yung default navigation app niyo, its either google o apple maps then makikita po yung navigation kung paano pumunta doon sa pinaka-nearest bidet niya," paliwanag ni Velasco.

Nitong Enero 4 lang nang i-launch ang naturang app at kaagad daw itong nag-viral. Katunayan, pumangatlo ito sa mga nangungunang app sa app store sa bansa.

"Alam ko po yung kagawian ng Pinoy is talagang may bidet, tubig o tabo gano'n. Instead na tissue gaya ng western culture," paliwanag ni Velasco.

Sinubukan ni Oida ang san bidet app habang nasa Lunes at lumitaw na 1.8 kilometers ang layo ng "pinakamalapit" na palikuran na may bidet.

Sinilip ng GMA News ang ilang palikuran sa Luneta at nakita na walang bidet ang mga ito.

Umaasa si Velasco na sa pamamagitan ng naimbento niyang app ay maeengganyo ang iba't ibang establisimyento na pagandahin ang kanilang mga palikuran. -- FRJ, GMA News