Literal na nagkatotoo sa sakay ng van ang kasabihang, "Ang basurang itinapon mo, babalik sa'yo." Nangyari 'yan sa Makati-Mandaluyong Bridge nang habulin ng isang dayuhang nakabisikleta ang sakay ng van para ibalik ang basurang itinapon niya sa kalsada.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing habang sakay ng bisikleta si Frank Schuengel, nakita niya ang sakay ng van na nagtapon ng basurang nakalagay sa plastic.

Pinulot niya ang basura at hinabol ang van matapos masaksihan ang pagtapon ng basura mula sa van. Kinuha niya ang basura at hinabol ang van na inabutan naman niya dahil mabagal ang daloy ng trapiko.

At nang abutan niya, isinauli niya sa sakay ng van ang basura.

“This is not a bin. Don’t throw that out. Don’t do it,” madidinig sa video ni Schuengel.

Sa panayam sa pamamagitan ng Skype, sinabi ni Schuengel na hindi siya natatakot sa mga taong nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar.

"We all should look after the world we live in. So I'm not afraid of the people who throw their rubbish out. They should be afraid of everyone else giving it back to them. That's how it works," sabi niya.

Aminado naman si Metropolitan Manila Development Authority spokesperson Celine Pialago na nalulungkot siya dahil ang mga Pinoy ang dapat na mas nagpapakita ng pagpapahalaga sa kalinisan sa ating bayan.

"Nakakahiya pero ho napakagandang action ho 'yon na ipamukha ho natin sa nagkalat na ito na basura mo itapon mo," anang opisyal.

Sinabi na sa unang bahagi pa lang ng taon, umabot na raw sa 4,316 ang nahuhuli ng MMDA sa kanilang anti-littering operations.

"Mayroon pong dalawang pagpipilian 'yung violator. Una it's either magbayad sila ng P500 na kailangan mag-settle sa MMDA, and community service nila, sir, e sila 'yung pinagwawalis natin," ayon kay Pialago.

Gayunman, may mga nahuhuli umano na matapang pa at nagbabanta sa mga enforcer. Mayroon din umanong hindi pinapansin ang tiket na ibinibigay sa kanila.

"Plano nating ikabit 'yung pangalan nila sa NBI para magkaroon ng hassle sa pagkuha ng NBI clearance. Iisip po tayo ng panibagong puwede idagdag du'n sa mga violators," sabi ng opisyal ng MMDA. —FRJ/KG, GMA News