Masarap na tsibugan sa isang karinderya ang naisip na gimik ng isang mag-asawa sa Davao City para sa kanilang wedding reception.

Ayon sa ulat mula sa GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, deretso na sa karinderya sa tabi ng kalsada ang mga bisita matapos magpalitan ng "I do" ang bagong kasal na sina Ricson at Catherine Saad.

Natuwa naman ang mga dumalo dahil praktikal daw at kakaiba ang handaan.

Ayon kina Ricson at Catherine, bukod sa nakatipid ay nakatulong pa raw sila sa kanilang mga magulang na may-ari ng karinderya.

Hindi na raw nila kailangan ng magarbong wedding reception dahil sapat nang naikasal na sila sa isa't isa. — Dona Magsino/BM, GMA News