Sa hindi malamang dahilan, isang barangay sa Poland ang halos isang dekada o 10 taon nang walang isinisilang na lalaki. Ang kanilang alkalde, may nakahandang regalo sa magulang na magkakaroon ng anak na lalaki.

Sa ulat ng Reuters, ipinakita ang mga batang babae na nagsasanay upang ihanda sila bilang volunteer fire brigade sa Miejsce Odrzanskie.

Bukod sa pagpatay sa sunog, sinasanay din ang mga bata sa pagbibigay ng first aid.

Ayon sa isang volunteer, dahil sa kakulangan ng kalalakihan sa kanilang lugar, ang mga babae na ang gagawa ng mga gawaing panglalaki.

Desidido naman ang mga kababaihan na magawa nang maayos ang tungkulin na karaniwang sa lalaki nakaatang.

"One of my dreams is, of course, having a husband, but our main dream is to get a new fire engine because this one is 44 years old," sabi ng isa pang volunteer.

Nangangamba umano sila na baka hindi nila magawa ang kanilang tungkulin kapag dumating ang pagkakataon kung magkakaaberya ang kanilang gamit.

Ang alkalde naman sa kanilang lugar,  may regalong ibibigay sa mga magulang na makapagbibigay ng kauna-unahang anak na lalaki sa barangay pagkaraan ng halos 10 taon.--Reuters/FRJ, GMA News