Sa kulungan ang bagsak ng isang mister sa Bangladesh matapos niyang sapilitang kalbuhin ang kaniyang misis dahil lang sa nakita niyang buhok sa kaniyang almusal.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing sinalakay ng mga pulis ang bahay ng suspek na si  Bablu Mondal, 35-anyos, sa Joypurhat matapos na may magsumbong sa kanila tungkol sa pangyayari sa mag-asawa.

“He found a human hair on the rice and milk breakfast his wife prepared for him,” sabi ni Shahriar Khan, local police chief.

“He became angry seeing the hair and blamed the wife. He then took a blade and forcibly shaved the head of the wife,” dagdag niya.

Ayon kay Khan, mahaharap si Bablu sa kasong “voluntarily causing grievous hurt,” na may kaparusahan ng pagkakakulong ng hanggang 14 na taon, at “outraging the modesty” ng kaniyang 23-anyos na misis.

Sinabi naman ng local rights group na ang insidente ay pagpapakita ng tumataas umanong pang-aabuso sa kababaihan sa Bangladesh sa kabila ng mga batas upang protektahan sila laban sa mga pagmamalupit at pang-aabuso.

Ayon sa grupong Ain o Salish Kendra, 630 kababaihan ang hinalay mula Enero hanggang Hunyo. Sa naturang bilang, 37 ang pinaslang at pito ang nagpatiwakal.

Bukod dito, mayroon din umanong 105 insidente ng tangkang panghahalay. AFP/FRJ, GMA News