Magreretiro na lang, nasibak pa sa puwesto ang hepe ng pulisya sa Chicago matapos magalit sa kaniya ang kanilang alkalde dahil umano sa kaniyang pagsisinungaling.  Ang ugat ng isyu, ang pagkakabisto kay hepe habang natutulog sa sasakyan.

Sa ulat ng Reuters, sinibak ni Chicago Mayor Lori Lightfoot si Police Superintendent Eddie Johnson noong Lunes dahil sa pagsisinungaling umano tungkol sa insidente noong Oktubre nang makita siya ng mga patrol policemen habang natutulog sa kaniyang kotse.

Unang idinahilan ng 59-anyos na hepe, na nakatulog siya sa sasakyan dahil sa kaniyang blood pressure medication.

Pero may lumabas na isang ulat sa media na sinabi umano niya sa kanilang alkalde na nakainom siya ng "couple of drinks” bago nagmaneho.

Sa pulong balitaan, hindi malinaw na inihayag ni Lightfoot kung ano ang ginawang pagsisinungaling ng kaniyang hepe pero magkakaiba umano ang sinabi nito sa kaniya at lumabas sa video recording tungkol sa pagkakabisto kay Johnson na natutulog sa sasakyan.

“He told me something that happened that night that turned out to be fundamentally different than what he portrayed to me and portrayed to members of the public,” anang alkalde.

Sabi ni Lightfoot, may iba pang ginawa si Johnson na hindi umano kanais-nais sa isang opisyal na ang hinahawakang posisyon ay mahalagang pinagkakatiwalaan.

“Mr. Johnson failed the hard-working members of the Chicago Police Department. He intentionally misled the people of Chicago and he intentionally misled me,” dagdag ni mayor.

Hindi na umano nagbigay ng pahayag si Johnson.

Noong Nobyembre lang, inanunsyo ni Johnson na magreretiro na siya dahil nakaapekto na umano ang kaniyang trabaho sa kaniyang kalusugan at pamilya.

Tatapusin na lang sana niya ang taon habang isinasagawa ang pagsasalin ng kapangyarihan sa papalit sa kaniyang pero napaaga na ang kaniyang pag-alis matapos siyang sibakin ng alkalde.

Itinalaga naman ni Lightfoot si dating Los Angeles Police Chief Charlie Beck, bilang interim police superintendent ng Chicago.--Reuters/FRJ, GMA News