Hindi lang mga plaza at paligid ng city hall ang pinapailawan sa Davao City ngayong kapaskuhan. Pati kasi ang mga trisikad o padyak sa isang lugar sa lungsod, kumukuti-kutitap din pagsapit ng dilim.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, ipinaliwanag ni Davao City Tourism Operations Officer Generose Tecson, na nilagyan din nila ng makukulay na ilaw ang mga padyak para lalo pang mabuhay ang turismo sa Santa Ana Wharf, kung saan pumapasada ang mga ito.

Hindi naman daw sila nabigo dahil kahit ang mga bisitang hindi naman mag-a-island hopping, bumibisita pa rin sa lugar para masaksihan ang mistulang parada ng mga pinailawang trisikad tuwing gabi.

Patok din sa mga netizen ang mga video ng tinatawag nila ngayong "trisi-lights." --FRJ, GMA News