Nasawi ang isang babae na sumali sa cake-eating competition para ipagdiwang ang Australia Day, ayon sa local media nitong Lunes.

Ayon sa Agence France-Presse, iniulat ng public broadcaster ABC, na nakatanggap ng tawag ang paramedic mula sa isang pub sa Queensland nitong Linggo dahil may babaeng nasangkot sa "medical incident."

Nagkaroon umano ng seizure ang 60-anyos na biktima matapos isubo ang cube-shaped na Australian cake na lamington.

Isinugod ang babae sa ospital pero kinalaunan ay binawian ng buhay.

Nangyari ang insidente sa Beach House Hotel na nagdiriwang ng taunang Australia Day lamington and meat pie eating contest.

Sa isang post sa Facebook, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan at mga staff ng hotel sa mga naulila ng biktima.

"We acknowledge and thank our supportive patrons, staff, and the Queensland Ambulance Service for their prompt and professional response while this tragic incident was unfolding," saad sa post.

"The hotel staff have been offered professional support while our thoughts firmly remain with the family at this challenging time," dagdag nito.

Ayon sa pulisya, maglalabas ng ulat ang "coroner" tungkol sa insidente. — AFP/FRJ, GMA News