Kasama na sa puwersang tumutulong sa mga health worker na frontliner vs. COVID-19 ang ilang designers at volunteers para gumawa ng mga personal protective equipment (PPE), head cover, at mask.

Sa isang Instagram post, makikita ang larawan ng Pinoy fashion designer na si Michael Leyva at kaniyang grupo habang gumagawa ng kailangang-kailangang gamit ng mga health workers.

"MABUHAY po kayo at Salamat sa dedikasyon at pagmamahal sa ating bayan," saad niya sa mga frontliner. "This wouldn’t have been possible without my team’s dedication and willingness to help."

 

 

Isang grupo rin ng volunteers mula sa fashion industry bumuo ng "Manila Protective Gear Sewing Club," na layung tumulong sa paggawa ng mga PPEs na ipamamahagi sa mga health workers sa pamamagitan ng Office of the Vice President.

Sa FB page ng fashion designer na si Mich Dulce,  makikita ang panawagan ng grupo para sa monetary and garment donation na ilalaan sa paggawa ng mga PPE.

Dahil sa dumadaming kaso ng COVID-19, nauubos na ang mga gamit ng mga healthcare workers at sila man ay nalalantad na rin sa peligrosong virus kung wala silang sapat na proteksiyon sa katawan.

Ilang duktor na rin ang nasawi matapos mahawahan ng virus, at daang-daang nurse pa ang naka-quarantine dahil nalantad sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19.

Sinabi ng Department of Health na nagkakaroon ng global shortage sa PPEs dahil sa dami ng mga bansa na nakikipaglaban din sa COVID-19.--FRJ, GMA News