Nakaisip ng paraan ang ilang taga-Naga City sa Camarines Sur para kumita at matulungan ang mga residenteng mamalengke ng kanilang mga kailangan sa bahay.

Dahil bawal ang pampublikong transportasyon habang umiiral ang pinaigting na community quarantine para labanan ang COVID-19, nagiging mahirap para sa iba ang bumiyahe kahit sa pagpunta lang sa pamilihan.

Sa ulat ng GMA News "25 Oras" nitong Lunes, sinabing nakahanap naman ng paraan ang ilang taga-Naga City na makapamalengke nang hindi masyadong napapagod sa paglalakad at pagbitbit ng kanilang pinamili sa pamamagitan ng pagsakay sa kariton.

Sa video, makikita ang tatlong ginang na nakasakay sa kariton at kanilang pinamili habang itinutulak ng isang lalaki.

Nakalusot naman sila sa chekpoint dahil may dala silang quarantine pass. 

Sa pagtutulak umano ng kariton kumikita ang ilan residente sa lugar.

Samantala sa Baao, Camarines Sur pa rin, makikita naman ang isang kapitan ng barangay na todo sa paghataw habang nagmamando ng chekpoint.

Pagpaalis daw ito ng stress at para malibang din ang mga tao dahil sa epektong dulot ng virus.--FRJ, GMA News