Iba't ibang aberya na ang naiulat tungkol sa mga pulong at klase na ginagawa via online. May nabistong naka-brief lang, may nasangkot sa sex scandal, may umeksena sa likod ng camera at iba pa. Ang pinakabago, isang propesor sa Singapore ang dalawang oras na nagsalita sa kaniyang online class nang naka-mute ang kaniyang mic.

Sa viral video, sinabing hindi napansin ni Dong Wang, propesor sa National University of Singapore (NUS), na aksidente niyang napatay ang kaniyang mic at tumagal nang dalawang oras bago niya ito malaman nang magtatanong na siya sa kaniyang mga estudyante tungkol sa kaniyang mga pinagsasabi.

Nang ipaalam ng isang estudyante na ilang minuto lang nilang nadinig ang kaniyang boses, makikita ang labis na pagkadismaya ng propesor sa sarili.

Tila kinapos pa siya ng hininga at napangiwi sa sama ng loob.

"Hi Prof, actually you were muted the whole time. So we couldn’t hear anything from you since 6:08 p.m.," sabi ng isang estudyante sa video na ini-upload sa Singapore Incidents sa Youtube.

Dalawang beses na napa-'Huh!?' si Wang nang malaman kung gaano siya katagal na naka-mute at sarili lang pala niya ang kausap habang nagtuturo.

Doon na rin tila may naramdaman sa sarili ang propesor at kailangan niyang huminga nang malalim.

Maya-maya lang, kalmado niyang sinabi sa kaniyang mga estudyante na uulitin na lang niya ang kaniyang klase.

Ayon sa mga lumabas na ulat, sinikap naman ng kaniyang mga estudyante na kunin ang pansin ni Wang para sabihan siyang naka-mute ang kaniyang mic pero nabigo sila.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng aberya ang mga nakikipagpulong o nagtuturo via internet dahil na rin sa pandemic.

Sa Texas, USA, isang abogado na dumadalo sa online court hearing ang sumali sa pulong na naka-filter ang kaniyang computer at mukha ng cute na pusa ang lumabas sa screen bilang mukha niya. (WATCH: Cute na 'pusa,' nakasali sa virtual court hearing sa Amerika).

Noong nakaraang taon, may lalaking naka-bold ang nakisali naman sa Zoom meeting na dinaluhan ni Pasig City Mayor Vico Sotto.

Isang mambabatas naman ng European Union ang nagbigay ng aliw sa deliberasyon ng isang komite nang makita siyang walang suot na pantalon habang dumadalo sa video conference. --FRJ, GMA News