Para mahikayat ang mga residente ng Las Piñas na magpaturok ng COVID-19 vaccine, may pa-raffle sa lungsod ng groceries, mga motorsiklo, at isang house and lot.

Ayon kay Las Piñas Representative Camille Villar, ang programang "May Bahay sa Bakuna: Bakunado Ka Na, May Bahay ka Pa," ay para sa mga residente ng lungsod na naturakan ng bakuna kahit first dose lang, at kahit anong brand.

"We want to reinforce the importance of getting vaccinated for people, their families, and the community. It will not only protect people but help our economy slowly recover,” sabi ni Villar sa pahayag nitong Biyernes.

"Through this effort, we also have a chance to increase awareness and confidence in vaccines," dagdag niya.

Dapat na 18-anyos pataas ang magpapabakuna, at makukuha ang raffle ticket sa mga barangay halls at maging sa mga vaccination center.

Puwedeng ihulog ang mga ticket sa mga barangay hall at maging sa AllHome at AllDay supermarket branches sa Las Piñas City.

Kada buwan simula sa Hulyo 15, 50 na nagpabakuna ang mananalo ng "pangkabuhayan showcase" na nagkakahala ng P5,000.

Sa grand draw naman sa Disyembre 24, bubunutin ang mananalo ng dalawang motorsiklo at isang house and lot mula sa Bria Homes.

Hindi lang ang Las Piñas City ang nag-iisip ng mga pakulo para mahikayat ang mga tao para magpabakuna laban sa COVID-19.

Sa Sa Luis, Pampanga, nagpapa-raffle ang lokal na pamahalaan ng isang baka bawat buwan para hikayatin din ang mga kababayan nila na magpabakuna.--FRJ, GMA News