Tuluyang nang pumanaw ang isang lalaki na biktima ng aksidente sa India na inilagay sa morge makaraang ideklara na dead on arrival sa ospital pero buhay pa pala.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, nagtamo ng malubhang sugat si Srikesh Kumar, 45-anyos, matapos siyang mabangga ng motorsiklo noong nakaraang Biyernes sa New Delhi.
Isinugod siya sa isang ospital sa Moradabad pero idineklara siyang dead on arrival kaya inilagay na ang biktima sa morge.
Pagkaraan ng anim na oras, dumating sa ospital ang kaniyang mga kaanak at nadiskubre nila na huminga pa ang biktima.
Dinala ang biktima sa ibang ospital pero binawian na siya ng buhay nitong Martes makaraang ma-comatose dahil sa tinamo niyang pinsala sa aksidente.
"He died last night... and his body has been handed over to his family," sabi sa AFP ng district medical officer na si Shiv Singh.
Ayon sa kapatid ni Kumar, nai-cremate na ang mga labi ng biktima nitong Miyerkules.
Dahil sa nangyari kay Kumar, nagsagawa ng imbestigasyon ang ospital. Ayon kay Singh, lumitaw na nasa "suspended animation" ang kalagayan ni Kumar nang ideklara siyang patay na.
"It seems there was no negligence on part of the doctors but we are still investigating," sabi ni Singh. — AFP/FRJ, GMA News