Ikinagulat ng ilang residente sa Dipaculao, Aurora, ang biglang pagliyab ng tubig mula sa kanilang ginagawang poso nitong Linggo.

Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, pasado alas kuwatro ng hapon nang bumulwak ang tubig sa nasabing poso.

Nagkakatuwaan pa ang mga residente habang ginagawa ang poso. Ikinagulat na lang daw nila ang biglaang pagliyab na umabot sa sampung talampakan ang taas.

Agad nilang pinatay ang apoy gamit ang lupa at putik.

Kanilang ipinaalam sa mga awtoridad ang pagliyab ng tubig sa poso.

Sa ngayon ay inaalam pa kung ano ang sanhi ng pangyayari. —Sherylin Untalan/KG, GMA News