Literal na tiningala ng mga tao ang isang malaking sawa na pahirapang hinuli matapos na umakyat sa mataas na puno ng mahogany sa isang compound sa Ilolilo City.
Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing si Ramil Perez, security guard sa Department of Information and Communications Technology-Region 6, ang nakakita sa sawa sa loob ng isang compound sa Barangay Zamora.
Una raw nakita ni Perez ang sawa sa guard house at saka umakyat ang ahas sa poste, hanggang sa lumipat na sa puno ng mahogany.
Kaagad siyang tumawag ng rescue team para mahuli ang sawa na upang hindi na magdulot ng takot sa mga empleyado at mga residente sa lugar.
Kasunod nito ay dumagsa na ang tao para panoorin ang paghuli sa sawa na binomba muna ng tubig para mahulog.
Pero nakakasabit ang sawa sa mga sanga kaya pinutol na lang ang sanga nang mapunta ang ahas sa mas mababang bahagi ng puno.
Ligtas na nahuli ang sawa na ibinigay naman sa Department of Environment and Natural Resources. --FRJ, GMA News