Naging alerto ang mga surfer na nasa dagat nang biglang sumulpot ang isang pating malapit sa kanilang lugar sa Isabela, Puerto Rico.

Sa video na kuha ng uploader na si Jorge Benitez na mapapanood sa GMA News Feed, makikitang lumitaw ang palikpik ng malaking pating sa gitna ng malalakas na alon.

Dahil dito, mabilis na nag-paddle palayo sa pating ang isang surfer.

Ayon kay Benitez, hindi pangkaraniwang namamataan ang mga pating sa bahaging iyon ng dagat.

Nakaligtas sa kabutihang palad ang mga surfer at walang naiulat na nasaktan sa insidente.

Sa Japan naman, mapapanood sa video ng Japan Coast Guard ang panghihina at pangangatog ng isang 69-anyos na matanda habang nakaupo sa tumaob na bangka nang masagip ng coastguard.

Ayon sa mga awtoridad, 22 oras na mag-isang nagpalutang-lutang ang matanda sa dagat sa gitna ng masamang panahon.

Dagdag nila, natagpuan nila ang matanda na nakahawak sa propeller ng bangka para mapanatili ang balanse nito at hindi tuluyang lumubog.

Magdamag umano na ganito ang sitwasyon ng matanda bago tuluyang nailigtas.

Papunta sana ang matanda sa Yakushima para magtrabaho sa isang port construction project.

Nagawa pa niyang makatawag sa kaniyang mga katrabaho bago tuluyang tumaob ang bangka.

Iniulat din ng kaniyang mga katrabaho ang insidente sa coastguard pero natagalan ang rescue dahil sa sama ng panahon.

Nagtamo ng sugat umano sa kaliwang paa ang matanda pero nasa maayos na ang kaniyang lagay.--FRJ, GMA News