Walang katumbas na halaga ang matamis na ngiti na isinagot ng isang siyam na buwang-gulang na sanggol nang madinig niya sa kauna-unahang pagkakataon ang tinig ng kaniyang mga magulang sa Virginia, USA.

Ayon sa GMA News Feed, isinailalim sa cochlear implant surgery ang batang si Everett Colley matapos na isilang nang walang pandinig.

Kuwento ng kaniyang ina na si Ashley, hindi raw siya masyadong nag-aalala nang hindi pumasa sa newborn hearing test si Everett. Hindi rin pumasa noon sa naturang pagsusuri ang dalawa niyang naunang anak pero lumaki naman na normal ang pandinig.

Inakala rin noon ng mga doktor ay baka may fluid buildup lang sa tainga ni Everett kaya hindi siya nakakadinig. Pero nang magsagawa pa ng ibang pagsusuri sa bata, doon na nakumpirma na mayroon talagang kondisyon sa pandinig ang bata.

Mabuti na lang at nag-qualify si Everett sa cochlear implant surgey kung saan may inilalagay na device sa likod ng tainga niya para makadinig siya.

Nitong unang linggo ng Disyembre, sumailalim na ang bata sa cochlear implant surgery. Pagkaraan ng dalawang linggo matapos ang operasyon, naikabit na ang exterior part ng aparato na tutulong sa kaniya para makarinig.

Ang aparato ang magko-convert ng mga tunog para maging electrical impulses na makararating sa utak.

At sa kauna-unahang pagkakataon, nadinig ni Everett ang tinig ng kaniyang ama't ina, na sinuklian niya ng napakatamis na ngiti at mahigpit na yakap.

Panoorin ang nakaantig na kuwento sa video ng "GMA News Feed."

--FRJ, GMA News