Isang eroplano ng AirAsia ang napilitang magpalit ng ruta at lumapag sa isang airport nang wala sa takdang oras dahil sa ahas na nakita sa overhead light ng naturang sasakyan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, makikita ang viral video sa social media sa ahas na maaaninag sa ilaw ng cabin. Nilagyan ito ng link ng lumang pelikula ni Samuel L. Jackson na may titulong"Snakes on a Plane."

Nangyari ang insidente na inilarawang ng airline na "very rare," noong nakaraang linggo. Papunta ang eroplano sa Tawau mula sa Kuala Lumpur.

Nang malaman ng kapitan ng eroplano ang tungkol sa ahas, lumapag siya sa Kuching, 900 kilometro ang layo sa Tawau.

Pinasakay naman ang mga pasahero sa ibang eroplano para ituloy ang kanilang biyahe.

"At no time was the safety of guests or crew at any risk," ayon kay AirAsia chief safety officer Liong Tien Ling.

Sa pelikulang "Snakes on a plane" na ipinalabas noong 2006, gumanap si Jackson bilang isang FBI agent na na-trapped sa eroplano na maraming makamandag na ahas.

 

 

"Snakes on a plane is real!!," ayon sa isang netizen.

"One of my worst nightmares. Too scary for me," sambit naman ng isa pa. — AFP/FRJ, GMA News