Tila istorya sa teleserye o pelikula ang love story ng isang amo at kaniyang yaya sa Amerika. Ang dalawa,  bukod sa 20 taon ang agwat ng kanilang edad, hindi rin sila magkasundo sa umpisa pero nauwi sa pagpapakasal ang kanilang pagmamahalan.

Sa ulat ng GMA News Feed, napag-alaman na 2014 nang mamasukan si Krystle Romano bilang yaya ng mga anak ni Ben.

Mayroon na ring isang anak si Krystle sa dati niyang karelasyon.

Ayon kay Krystle, hindi pa sila magkasundo ng kaniyang among si Ben noong una. Hindi raw ito nakikipag-usap sa kaniya.

Pero the feeling is mutual sa dalawa dahil ganundin naman si Ben kay Krystle.

"She was not a good nanny - she did the bare minimum, she never cooked homemade meals. She would usually turn up at 6:30 a.m. looking like she had been at the disco the night before," sabi ni Ben.

Kamuntikan pa nga raw alisin ni Ben si Krystle sa trabaho. Pero pinigilan siya ng kaniyang mga anak dahil gustong-gusto nila ang kanilang yaya Krystle.

Hanggang sa isang araw, nabago ang pagtingin ni Ben kay Krystle nang pumasok ang yaya na maayos ang kaniyang hitsura.

Itinago nina Ben at Krystle ang kanilang relasyon ng ilang buwan, bago nila ito inanunsyo sa mga bata at kanilang mga kaanak.

Dalawang taon matapos maging magnobyo, nag-propose si Ben kay Krystle at nagpakasal sa sumunod na taon.

Aminado ang couple na may mga humuhusga sa kanilang relasyon pero sa kabila nito, nananatiling matibay ang kanilang pagsasama.

"We just laugh it off, you can't really listen to what other people think, it will put a huge strain on your relationship," sabi ni Krystle.--FRJ, GMA News