Tila "T-1000" liquid metal robot sa pelikulang “Terminator” ang shapeshifting robot na naimbento sa China. Kaya nitong magpalit ng anyo mula solid hanggang liquid, at maging solid muli.
Sa ulat ng Next Now, sinabing nilikha ang shapeshifting robot ng researchers mula sa Sun Yat-sen, Zhejiang at Carnegie Mellon University.
Ang imbensiyon ay base sa kakayanan ng sea cucumbers na patigasin at palambutin ang kanilang tissues.
Ginamit ng engineers ang soft metal na gallium dahil sa dali nitong malusaw.
Para mabuo, nilagyan nila ang gallium ng magnetic particles na may dalawang ginagampanang papel sa robot.
“They make the material responsive to an alternating magnetic field, so you can, through induction, heat up the material and cause the phase change. But the magnetic particles also give the robots mobility and the ability to move in response to the magnetic field,” sabi ni Carmel Majidi, senior author ng research.
Base sa pagsusuri ng mga developer, puwedeng magamit ang shapeshifting robot sa medisina tulad ng pagtatanggal ng foreign objects sa katawan.
Puwede rin ito sa circuit repair kung saan nagsisilbi itong solder at conductor.
Gayunman, mas masusing pag-aaral pa ang kinakailangan para ligtas itong magamit lalo sa biomedical applications. -- FRJ, GMA Integrated News