Wala ka bang kayakap ngayong taglamig? Sa United Kingdom, isang farm ang nakaisip ng kakaibang pakulo na bukod sa nakatutulong na sila sa mga tao, kikita pa sila sa tulong ng alaga nilang mga baka.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing iniaalok ng farm ang kanilang mga baka para maka-bonding ng mga tao kapalit ng bayad na £50 o halos P3,500.

Sa nasabing halaga, maaari nang makipag-bonding ng mga tao ang mga baka sa loob ng dalawang oras. Puwede nilang ayusan ang baka at mayakap.

Bukod sa maiibsan ng mga baka ang lamig ng panahon, nagiging stress reliever umano sa mga tao ang pakikipag-bonding nila sa mga hayop.

Ayon sa ilang nakasubok, therapeutic umano ang dala ng cow cuddling experience sa kanila at nawawala ang kanilang stress.

Malaki rin ang naitulong nito sa mismong farm na nanganganib nang magsara dahil sa mababang presyo ng dairy products, inflation at pagbaha sa kanilang bansa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News