Nagsisilbi ngayong inspirasyon ang isang single mom na may dalawang anak sa kaniyang fit at sexy na glow up matapos makipaghiwalay sa kaniyang asawa sa Amerika.

“Sometimes you don’t need a diet. You need a divorce,” sabi ng single mom na si Sarah Albassri tungkol sa pinakamabisa niyang paraan para pumayat, ayon sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.

May katabaan noon si Albassri bago siya hiniwalayan ng kaniyang asawa, na umabot pa sa halos 84 kg ang kaniyang timbang.

Bumigat nang husto si Albassri matapos manganak, kasabay na rin ng pagpapatupad ng mga lockdown noong COVID-19 pandemic.

Noong mga panahong iyon, nagkaroon din si Albassri ng depression dahil sa problema nilang mag-asawa.

Dahil dito, sinubukan niyang mag-diet at uminom ng weight loss pills, ngunit hindi ito gumana sa kaniya.

Marso 2023 nang magpasiya na siyang makipaghiwalay sa mister.

Matapos nito, bumalik siya sa taekwondo, na kaniyang nakahiligan noong 2013.

Maliliit pa ang kaniyang mga anak nang bumalik siya sa minahal niyang sports.

“I was running with my daughter and she’d get fussy if I walked. I always carry her around my waist when I exercise. I want to be this version of my self for her,” sabi ni Albassri.

Hindi sumuko si Albassri sa kaniyang ehersisyo.

Makalipas ang ilang buwan, fit at sexy na ang kaniyang hitsura.

Patuloy pa rin siya sa pagte-training ng taekwondo ng dalawa hanggang tatlong beses kada linggo.

Kumukuha rin siya ng PhD sa Biological Engineering kasabay ng pag-aalaga ng dalawa niyang anak.

Dahil dito, marami ang naantig hindi lang sa kaniyang glow-up, kundi sa kaniyang pag-level up bilang isang ina.--FRJ, GMA Integrated News