Matapos lumabas ang problema sa mga surot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), daga naman ngayon ang nagpakita sa mga pasahero sa Terminal 3.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng pasaherong si "Kerb" na nakapag-video sa daga, na una nilang inisip ang problema sa surot gaya ng lumabas sa mga balita.
"Uupo ba kami sa mga seat because of the mga surot issue," saad niya.
Kamakailan lang kasi, nagreklamo ang ilang pasahero sa paliparan na nagkaroon ng mga pantal at nangati dahil sa mga surot na nakasiksik sa mga upuan kahit na gawa sa metal.
Nagsagawa na ng paglilinis sa mga upuan makaraang lumabas ang kontrobersiya.
Pero habang tinutugunan ang problema sa surot, nakuhanan ng video ni Kerb ang daga naman sa gumagapang sa kisame sa Gate 102 ng paliparan.
"Biglang nagtinginan ang mga tao sa ceiling, biglang lumabas yung daga," sabi ni Kerb na nangangamba sa mga sasabihin ng mga dayuhan tungkol sa airport.
Ayon kay Eric Ines, General Manager ng Manila International Airport Authority, posibleng nanggaling sa concessionaires at restaurant ang daga.
Sinuri ng MIAA at NAIA ang Terminal 3, at iniutos na i-review ang mga kontrata ng mga pest control company sa paliparan.
“Any non-adherence to what was really agreed on during that time, sabi ko ire-revoke ko 'yan,” babala ni Ines.
Tiniyak din ni Ines sa mga pasahero na araw-araw na nililinis ang NAIA kahit hindi peak hour. -- FRJ, GMA Integrated News