Mistulang inihagis sa ere ang isang babaeng rider, pati ang kaniyang motorsiklo matapos na sumabit sa kaniya ang kable na tinamaan at nahatak ng umaarangkadang truck sa Kerala, India.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang biktimang si Sandhya na paalis na sana sakay ng motorsiklo nang malaglag sa tapat nila ang kable na sumabit sa truck.

Kaagad na bumaba ng motorsiklo si Sandhya pero nahatak pa rin siya at ang kaniyang motorsiklo nang mahila ng truck ang kable.

Tumilapon ng ilang metro at umangat sa ere si Sandhya at ang kaniyang motorsiklo.

Nagtamo siya ng bali sa balikat at kinailangang isugod sa ospital.

Ayon sa mga awtoridad, naaresto ang driver ng truck na nagpaliwanag na hindi niya alam na sumabit siya sa kable.

Hindi rin umano niya alam ang nangyari sa babaeng rider at sa motorsiklo nito.

Sinampahan ang driver ng kaukulang reklamo pero nakalaya matapos magpiyansa.-- FRJ, GMA Integrated News