ADVERTISEMENT
Filtered By: Hashtag
Hashtag

Good Scoop: YouScoopers, namigay ng school supplies sa mga kapuspalad na estudyante


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang araw bago ang pagbabalik-eskwela sa Hunyo 2, kabi-kabila na ang ginagawang paghahanda ng karamihan sa atin. Ngunit sa halip na personal na pangangailangan ang intindihin, iba ang pinagkakaabalahan ng ilan nating mga YouScooper.

Sa Cainta, Rizal, aabot sa 100 kabataang kapuspalad ang tinulungan ng grupo ni YouScooper Mayette Dela Cruz Cinco. Nagbigay sila ng iba’t ibang gamit sa paaralan bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan.



Higit sa limang taon na nilang tinutulungan ang mga tinagurian nilang “Tawi kids,” hango sa pangalan ng lugar kung saan una nilang nakilala ang mga bata. Karamihan sa Tawi kids, anak ng mga nangangalakal at labandera.

“Ang ginagawa namin, we encourage them to go back to school at unahin ang pag-aaral. Marami sa kanila, dahil sa kahirapan, hindi na nakakapag-aral. Iyong programa namin, nagsu-support sa kanila to go back to school. Kasama na roon ang tulong sa uniform, school supplies, at school fees na kailangan para makapasok sila sa school,” wika ni YouScooper Mayette.



Personal na karanasan ang nagtulak kay YouScooper Mayette at sa asawa niya para tumulong sa mga kapuspalad sa kanilang komunidad.

“I believe each one of us is called to serve. Nagkataon na pareho kami ng heart ng husband ko pagdating sa paniniwala na 'yan. Naging madali sa amin ang tumulong kahit sa hindi kakilala,” sabi niya.

Hindi naman naging hadlang sa isang grupo ng mga biker ang layo at lawak ng dagat upang maghatid ng tulong sa komunidad ng Pangan-an Island sa Lapu-Lapu City, Cebu noong Mayo 25.



Kuwento ni YouScooper Chan Cabucos, isang miyembro nila sa XBoys Bikers Club ang nakaisip na maghatid ng tulong sa Pangan-an Elementary School bilang parte ng kanilang taunang outreach program.

Umabot sa 100 ang mga estudyanteng kanilang nabigyan ng mga school supply at mga aklat.



Tuwang-tuwa naman ang mga estudyante at mga guro sa pagtulong ng grupo nina YouScooper Chan Cabocos at mga kaibigan niya.

“Masayang-masaya kami. Sana hindi ito ang katapusan ng pagtulong nila sa amin,” ani Noel Sosas, guro sa Pangan-an Elementary School.



Bukod sa pagbibigay ng gamit sa paaralan, nagkaroon din ng mga programa at palaro. Nakibahagi rin ang kanilang grupo sa taunang Brigada Eskwela ng paaralan. -- EPE, GMA News

Ibahagi sa amin ang inyong nasaksihang kuwento ng kabaitan at kagandahang-asal! Ipadala ang inyong Good Scoop sa www.youscoop.tv at baka amin itong magamit sa News To Go sa GMA News TV Channel 11.