advertisement
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

BULING-BULING FESTIVAL: Pagdiriwang sa Sto. Niño at sa kontribusyon ng Pandacan sa Inang Bansa


Isa sa mga pinakapopular na debosyong Katoliko sa Pilipinas ay ang debosyon sa batang si Hesus o ang Sto. Niño.  Sa katunayan, maraming mga sikat na mga kapistahan sa Pilipinas tuwing Enero ay iniaalay sa Sto. Niño — Sinulog ng Cebu, Ati-Atihan ng Aklan, at ang Dinagyang sa Iloilo.  Sa Maynila, nariyan ang kapistahan ng Sto. Niño de Tondo at ang Buling-Buling ng Pandacan. 

Ngunit ano ba ang Pandacan at Buling-Buling Festival na ipagdiriwang tuwing January 13. 

Ang Sto Niño at ang Pandacan

Buling Buling Festival. Photo: Danny Pata
Buling-Buling Festival. Photo: Danny Pata

Pandacan — Kilala sa mga oil depot na naglipana noon sa mataong lugar na ito ng Maynila. Sabi ng mga pilosopo, lugar daw ng mga maliliit na tao. Ngunit, hindi sa salitang pandak nagmula ito kundi sa salitang pandanan na nagkalat noon sa lugar, kinalaunan naging Pandacan. 

Noong 1613, ang pamayanang ito ay napasailalim sa Parokya ng Sampaloc subalit noong May 30, 1712, kinilala nang hiwalay na bayan sa ilalim ng Lalawigan ng Tondo. 

Ayon kay Robert Fabro Tomas, isang lokal na mananaliksik ng kasaysayang pampook, noong nasa ilalim pa ng Sampaloc ang Pandacan, sinasabing natagpuan ng ilang mga batang naglalaro ang imahen ng Sto. Niño sa lubluban ng kalabaw, kulay itim ito na tila kakambal ang imahe ng Itim na Nazareno. Dinala ito sa Parokya ng Sampaloc ngunit kalaunan ay ibinalik sa Pandacan.

Noong 1732, nagpatayo sila ng isang batong simbahan sa tabi ng mismong lugar kung saan daw natagpuan ang poon, na ginawang balon ng mga deboto.  Nakilalang mahimala ang tubig na nagmumula sa balon na hanggang ngayon ay naroroon.

Ang imahen ay may tangang orbo sa kanyang kaliwang kamay na sagisag ng kapangyarihan niya sa daigdig. Ang kanyang kanang kamay naman ay nagbabasbas, nakasabit ang setro ng pagkahari at dalawang hindi pantay na bola na nagpapakita na laging mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan. Sa kanyang ulo ay may tatlong potensya. Ang Bibliang tinutungtungan ay paalala sa pagkakatawang tao ng Salita na nakipamuhay sa atin.
 
Ang Buling-Buling Bilang Opisyal na Sayaw ng Maynila

Buling Buling Festival 2018. Photo: Danny Pata
Buling-Buling Festival 2018. Photo: Danny Pata

Bilang pagpupugay sa Sto. Niño, nagsasayaw ng Buling-buling ang mga taga Pandacan isang araw bago ang ikatlong Linggo ng Enero, ang pista ng Poong Santo Niño (Bagama’t sa matagal na panahon ang pista ng Pandacan ay ipinagdiriwang ng January 14 kaya kung papatak ng Linggo ang petsang ito, tulad sa taong ito, sa araw na iyon ipagdiriwang ang pista). Hango ito sa salitang “Buling buli” o “binuli” na matandang Tagalog para sa malinis, pinong-pino at maayos na maayos ang pagsasayaw at pananamit para sa Panginoon. 

Ayon muli kay Tomas, noong ika-19 na dantaon o 1800s mayroong nang ganitong tradisyon na sinasalihan ng magagandang dilag, sumasayaw sa mga bahay-bahay at sinasabuyan ng mga barya at matamis. 

Ayon din sa impormasyon na ibinigay sa akin ni Kevin Bermejo, pinuno ng komite para sa kapistahan ngayong taong 2018, nilalayon din nito na mangolekta ng pondo para sa darating na kapistahan sa pagsasayaw sa bahay-bahay at matapos nito ay tutungo sila sa patio ng Simbahan upang magsayaw muli bago ientrega sa simbahan ang nakolektang pera. 

Kaiba sa mga sayaw sa ibang mga kapistahan, malumanay at “solemn” ang pagsasayaw ng buling-buling. 

Ang opisyal na musika para dito ay isinulat ni Pastor de Jesus at nilapatan ng titik ni Ernesto Mendoza at sa bisa ng Resolution #65 na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila noong July 14, 2005 ang buling-buling ay kinilalang Opisyal na Sayaw Pang-Lungsod! 

Halimbawa ng Pagkakaisa

Nang magkaroon ng Iglesia Filipina Independiente, mas kilala sa Aglipayan Church, sa Pandacan, nagkaroon sila ng Sto. Niño na gawa sa garing. Nagkaroon ng isandaang taon na hidwaan ang mga parokyanong Katoliko at ang mga Aglipayano.  May mga kumalat pa na anas-anas na ang itim na Sto. Niño na hawak ng mga Katoliko ay hindi ang orihinal. Pinabuluaanan naman ito ng pagtutugma ng isang larawan sa isang lumang nobenaryo sa poon na nasa Simbahanag Katoliko. 

Ngunit para sa kapistahan ng 2007, nagpasyang magbati ang dalawang parokya ng Sto. Niño de Pandacan ng mga Katoliko at ng mga Aglipayano at magkasamang ipinagdiwang ang kapistahan at buling-buling. Mula noon, taun-taon, sa tuwing pista, pinagtatabi ng mga Katoliko at Aglipayano ang Itim at Puting Sto. Niño, bilang simbolo ng pagkakaisa at ng pinagsasaluhan nilang pagmamahal sa Diyos. 

Ang itinuturing na Milagro ng Pandacan ay ang debosyon mismo, na napagkaisa ang dati ay naghihidwaang mga mamamayan. 

Buling-Buling Festival. Photo: Danny Pata
Buling-Buling Festival. Photo: Danny Pata

Sentro ng Pambansang Sining At Kultura at Lunduyan ng Kabayanihan

Itinuturing ng mga taga Pandacan ang kanilang dako ng Maynila bilang sentro ng pambansang sining at kultura at lunduyan ng kabayanihan, sapagkat may iilang mga alagad ng sining at bayani na nagmula o nanirahan dito. Ilan sa mga ito si Francisco Balagtas, ang bayaning makata na naghimagsik laban sa masamang asal ng kolonyalismo na itinago niya sa akdang Florante at Laura. 

Nariyan din si Padre Jacinto Zamora, na isa sa tatlong paring martir na ginarote noong 1872 ng mga Espanyol at naging inspirasyon sa pagtatatag ng bansa, na isinilang sa Pandacan noong 1835. Tumira rin daw ang paham ng wika na si Lope K. Santos sa Pandacan.

Ngunit, isa sa mga hindi gaanong natatalakay na ambag ng Pandacan sa sining ay si Ladislao Bonus, ang Ama ng Operetang Filipino. Sinaliksik ng kanyang apo sa tuhod, ang historyador na si Dr. Fernando A. Santiago, Jr. ang kanyang buhay sa “The Life and Times of Ladislao Bonus y Mariano:  The Father of the Filipino Opera.” 

Ang kanyang Lolo Islao ay isinilang noong 1854 sa Pandacan, at napangasawa si Rosalia Guazon na mula sa angkan ng mga principales ng lugar. Siyam ang kanilang naging supling at Pandacan talaga ang kanilang naging tahanan. Si Bonus ay hindi nagtapos ng pormal na edukasyon sa musika ngunit naaanyayahan na ng mga dayuhang orkestra na tumugtog kapag sila ay dumadayo ng Maynila. Naging maestro ng paborito niyang instrumento, ang contrabajo, ngunit magaling rin siya biyolin, viola at cello. 

Ang unang niyang naitalang pagtatanghal ay bilang musikero ng Simbahan ng Santo Niño de Pandacan sa kapistahan nito noong 14 January 1886. Hindi naglaon, naging musikero din ng Katedral ng Maynila. 

Noong Dekada 1880 napadalas ang mga opera ng mga dayuhan sa Maynila kaya naman itinatag niya ang “Circulo Musical de Pandacan” at nagtayo pa sa kanyang sariling pagtustos ng sariling tanghalan. At dahil kahit Italyanong opera ang itinatanghal ay purong indio ang mga mang-aawit at musikero, maituturing si Bonus na Ama ng Operetang Pilipino. Ang Pandacan ay nakilala bilang “Ang Munting Italya ng Pilipinas.” 

Noong 1890, naging konduktor siya ng Orkestrang Babae at hindi naglaon, ng Banda Arevalo, ang pambansang orkestra ng Unang Republika ng Malolos. Noong 1902, ang unang opera na kinatha ng Pilipino — ang “Sandugong Panaguinip” na nilapatan niya ng musika at may mga titik na isinulat ni Pedro Patero ay naipalabas sa Teatro Zorilla — ang unang operang Tagalog! Ang Gobernador Heneral William Howard Taft na nakapanood ng opera ay niregaluhan pa nila ng ginintuang plorera. 
Sumakabilang buhay si Bonus noong 1908.

Ngayong araw ng Buling-buling, inanyayahan akong magsalita sa panimulang programa ng Festival.  Gagawin ko itong pagkakataon na pasalamatan ang Pandacan sa kanyang mga ambag sa bayan—ang kanyang musika, ang kanyang mga bayani at alagad ng sining, at ang kanyang halimbawa ng pagkakaisa sa kabilang ng pagkakaiba-iba. — LA, GMA News

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association.  Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”

LOADING CONTENT