Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

'Uy ang taba mo na! Anyare?': Ang Pinaka tactless remarks at Christmas reunions


Ngayong papalapit na nang papalapit ang Pasko at Bagong Taon, kaliwa't kanan na ang nagaganap ng school at family reunions. Bukod sa masasarap na pagkain at kwentuhan, isa pa sa pinakamadalas masaksihan sa mga party na ito ang mga 'taklesang' komento o pahayag na maaari nga namang sumira sa dapat sana ay maganda at masayang gabi.
 
Inilista ng 'Ang Pinaka' ng GMA News TV nitong Linggo ang Top 10 Pinaka-tactless remarks tuwing reunion.
 
Kasama ng host na si Rovilson Fernandez ang tatlong guest panelists na sina film and TV director Manny Castaneda, 90.7 Love Radio DJ Chris Tsuper, at University of the Philippines cultural anthropologist Dr. Nestor Castro.
 
10. 'May sakit ka raw? Buti gumaling ka.'
 
Maaaring maituring na taklesa ang pahayag na ito dahil, ayon kay Castro, parang pinapaalala ng tao na may sakit ang kanyang kausap gayong ang gusto lang naman nito ay magsaya sa pagtitipong dinaluhan.
 
Para naman kay Castañeda, maaaring mayroon pang concern ang unang bahagi ng pahayag, ngunit nagiging insensitibo na ito pagdating sa ikalawang bahagi dahil “parang sinasabing mamatay ka na dapat,” ayon sa direktor.
 
9. 'Boyfriend/girlfriend mo? 'Di kayo bagay.'
 
Kadalasan nga ay tila pa walang preno sa pagtatanong ang mga tao, at hindi na naiisip kung tama o mali ba ang tinatanong kahit pa pabiro o hindi.
 
Imbes na kwestyunin ang relasyon ng iba, nararapat lang daw na maging masaya tayo para sa kanila, ani Castro.
 
Isang magandang comeback umano para sa tactless remark na ito ayon kay Castañeda ay “Pakialam niyo!”
 
 

 
8. 'Bakit hindi kayo nagkatuluyan? Kumusta ang ex mo?'
 
Karamihan sa college sweethearts ay hindi talaga nagkakatuluyan kaya naman madalas itong maririnig sa mga school reunion, minsan ay mula pa sa mga taong hindi mo nakita sa loob ng ilang taon.
 
Hindi ikinakaila ni Castro na mahirap palagpasin ang tanong na ito, lalo na kung kilala mo ang dating magkasintahan noon. Gayunpaman, hindi ito maituturing na angkop pag-usapan sa isang party o reunion dahil, ika nga, "It's none of your business."
 
Maaari pang makasira ka ng araw o makapikon ng tao, lalo na kung masalimuot ang dahilan sa likod ng kanialng paghihiwalay, ayon kay Chris Tsuper.
 
Dagdag pa ni Castro, mas magandang 'wag na lamang pansinin ito dahil sadyang tsimoso't tsismosa lang talaga ang mga Pilipino.
 
7. 'Bakla/tomboy ka pa din?'
 
"Gender preference is not an accessory you decide to wear at a party," ayon kay Rovilson. 
 
Maaaring maging offensive ito hindi lamang sa mga tunay na homosexuals ngunit pati na rin sa mga hindi. Ayon kay Castro, hindi dapat husgahan ang tao base sa kanyang kilos at pananamit dahil may mga lalaking malambot talagang kumilos, at mayroon namang mga babae 'tomboy-ish.'
 
Madalas itong nasusundan ng 'Sayang ka! Gwapo/maganda ka pa naman' na lalo pang nakaka-offend para sa taong pinagsasabihan.
 
Isa umano itong uri ng stereotyping dahil para bang sinasabi mo na hindi maaaring maging maganda o gwapo ang mga homosexual dahil nasasayang ang hitsura nila o hindi nila ito napakikinabangan ng lubusan.
 
Isang magandang sagot ra dito ayon kay Chris Tsuper ay: “Pinanganak akong ganito, ganito ako mamamatay.”
 
 

 
6. 'Bakit wala pa kayong anak?'
 
Isa pang comment na maaaring makasira ng gabi ang "Bakit wala pa kayong anak?" dahil wala kang ideya kung matagal nang sinusubukan ng mag-asawang iyon ang magkaroon ng anak, ayon kay Chris Tsuper. Maaari kang makasakit ng damdamin dahil sa sensitibong topic na ito, lalo na kung may pinagdaanang traumatic ang tao kagaya ng pagkakalaglag ng bata o miscarriage.
 
Paliwanag ni Castro, para mo na ring sinabi na "Siguro may problema ka sa pagbubuntis?" o di kaya "Sino ang baog sa inyo?" 
 
Samantala, kung mayroong mga sinusubukan ang lahat, mayroon ding mag-asawang nagsama para sa companionship at hindi talaga gustong magkaanak, at dapat respetuhin ang kanilang desisyon.
 
Madalas itong nasusundan ng "Para pagtanda niyo may mag-alaga sa inyo."
 
5. 'Yaman mo na! 'Di ka na ma-reach!/Nakapag-asawa ka ng mayaman?'
 
Maaaring marinig bilang isang compliment ang unang bahagi ng komentong ito, ngunit nagiging tila insulto ito kapag dinugtungan na ng pangalawang bahagi dahil tila ipinararating mo na hindi kayang umasenso ng tao kundi dahil sa tulong ng ibang tao, ayon kay Castañeda.
 
Nagiging mapanghusga ito dahil hindi mo isinaalang-alang ang talento at pagsisikap ng taong iyong kausap. Maaaring dumaan siya sa proses ng paghihirap upang marating ang kinalalagyan niya ngayon.
 
Isang uri ng pamamaliit umano ito sa kakayahan ng tao, ayon kay Castro.
 
Hindi rin tama na mag-komento hinggil sa tagumpay ng isang tao sa pamamagitan ng pagpansin ng kanyang mga materyal na pag-aari dahil kawalan ito ng respeto at delikadesa.
 
Isang maganda comeback raw dito ayon kay Castañeda ay: “Wag kang mangungutang ah. Baka mangutang ka.”
 
 

 
4. Bakit wala ka pang boyfriend/girlfriend/asawa?
 
Isa raw itong pinagandang paraan ng pagsasabing "Walang may gusto sa 'yo 'no?" ayon kay Manny.
 
Maaari naman daw maging unfair ang tanong na ito, ayon kay Chris, dahil kapag maganda o guwapo ang tinanong mo, para mong sinasabing "Sa ganda/guwapo mong 'yan, walang nakikipagrelasyon sa'yo?" Sa kabilang banda, kung hindi naman ito kagandahan o kagwapuhan, para mong sinasabing "Wala pa ring nagkakagusto sa'yo."
 
Nakasanayan na rin daw ng mga tao na para bang mayroong edad na dapat na may relasyon ka na, o tila isang deadline.
 
Dapat raw tandaan na mayroong mga taong "single not by circumstance but by choice," ayon kay Rovilson.
 
Mayroong mga taong hindi pa handa sa commitment at mayroon naman sinusubukan talagang maghanap ng companionship. Kahit anopaman, hindi pa rin magandang usisain ang kanilang personal na buhay.
 
3. 'Bakit kayo naghiwalay?'
 
Hindi isang magandang paksa sa party ang failed relationships o marriages dahil maaaring may masaktan kang tao nang hindi sinasadya.
 
Bahagi ito ng personal na buhay ng tao na hindi dapat pakialaman kung hindi sila mismo ang mauunang magkwento, ayon kay Manny.
 
Maaaring dumaan sa mahirap at masakit na proseso ng paghihiwalay ang taong iyong tinatanong, kaya insensitibo ang pahayag na ito.
 
Ayon kay Castro, parang may halong pagsisisi rin ito, at para bang sinasabi mong, "Siguro may problema ka kaya kayo naghiwalay, 'no?"
 
Gayundin, hindi magandang venue ng "counseling session" o pagpapayo hinggil sa relasyon ang isang party.
 
 

 
2. 'Ang ganda mo ngayon! Mas bagay sa'yo ang _____.'
 
Madalas nating marinig na sagot dito ang "Bakit, pangit ako dati?"
 
Kagaya ng mga pribadong bagay tulad ng relasyon at yaman, hindi rin dapat pinaguusapan ang hitsura ng isang tao lalo na at nasa isang salosalo dahil isa itong senyales ng kawalan ng respeto para sa taong ito. 
 
Ayon kay Chris Tsuper, maaaring bawiin ang "damage" na idinulot ng pahayg na ito sa pamamagitan ng pagsasabing "Maganda ka noon! Mas maganda ka lang ngayon."
 
 
1. 'Uy, ang taba mo na! Anyare?”
 
Ang pinaka-tactless remark at isa rin sa pinakamadalas marinig mula sa mga kaibigan at iba pang tao sa isang reunion o party.
 
Maaari itong makasakit ng damdamin dahil hindi mo alam kung gaano katindi ang pinagdadaanan ng tao para pumayat, ayon kay Chris.
 
Isa rin daw itong polite way ng pagsasabing "Ang pangit mo na. Mas maganda na ako sa 'yo," paliwanag naman ni Manny. Parang pasintabi mong iniinsulto ang iyong kausap.
 
Maaari silang makaramdam ng inferiority sa tuwing nakakarinig ng ganitong komento, kaya marapat lamang daw na hinay-hinay sa pagsasalita at "walang basagan ng trip." — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News
Tags: angpinaka