ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle

FATHER'S DAY: Ang Tatay kong mapagbiro at mapanlait


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Part of a series on dads—and being a dad—for Father's Day.


High school na ako, nililinisan pa ako ng tenga ng Tatay ko. Natatandaan ko pa kung paano ako nakakalma ng mga sandaling ganoon.
 
Ang pagkahilig ko sa teatro, malamang nakuha ko sa Tatay ko. Noong bata kami, gagawa siya ng mga tao gamit ang karton. Ikakabit niya ito sa tinting o stick ng barbecue. Sa pagitan ng puting panyo at sinindihang kandila, pagagalawin niya ang karton na mga imahe habang nagkukwento. Shadow play!
 
Pero macho si Tatay. Hinahatinggabi sa inuman, umuuwi nang lasing. Madalas din siya sa bilyaran lalo na kung wala siyang tanggap na trabaho bilang karpintero. Sa bilyaran, lumalaban siya ng pustahan, nagbabakasakaling may madelihensiya na konting pera pandagdag sa gastusin bukas.
 
Craftsman siya. Batuhan mo ng ilang retasong table at magma-magic siya ng kung anong gamit sa bahay. Sa mga kababata namin, kaming magkakapatid lang ang may study table noong grade school, gawa ni Tatay. Maging iyong altar na lalagyan ng rebulto ng Christ the King, may detalyeng art deco. Gawa rin ni Tatay.

Kapag umuuwi siya galing sa trabaho, may pasalubong siya – hopia, chocnut.
 
At gusto niya, laging may prutas sa mesa. Kahit saging lang. Iyong prutas ang una kong economic indicator sa bahay. Pag may prutas, ibig sabihin may pera. Kapag walang prutas, kailangang mag-behave nang konti kasi mainit ang ulo nila ni Nanay.
 
Si Tatay rin ang naglalaba ng lampin ni Rhoey. Iyong lampin ni Sarah, ako na ang gumagawa kasi high school na ako noon. 

Masarap din siyang magluto. Siya ang takbuhan ng mga manginginom sa Cinco de Junio para magluto ng pulutang aso. O, huwag na kayong magalit sa Tatay ko, noon pa iyon.

Hindi siya palakibo. Sa bahay namin, kung wala kang sasabihin, huwag kang kumibo. Kung magbibiro ka, tiyakin mong nakakatawa. Dahil kung hindi, matititigan ka ng masama.

Minsan lang niya akong nasapak. Iyon ay nang magdesisyon akong mag-underground bilang aktibista. Pero pagkatapos noon, tiniis na niya lahat, kahit iyong panahon na tumira sa bahay namin ang ilang kasama.
 
Naalala ko lahat ito kasi June 4 ngayon. Sa petsang ito noong 1996, namatay si Tatay. Sampung taon na siyang paralisado at bedridden mula nang atakehin sa puso noong 1986. Sa loob ng mga taong iyon, si Tatay ang naging sentro ng aming mundo.

Caregiver niya si Nanay 24/7. Iyong isang utol ko, si Nonoy, umuuwi galing sa opisina niya sa Department of Finance para linisin si Tatay kapag naparami ang inom nito ng prune juice. Pati mga tiyahin ko, kapatid ni Tatay, abala sa pagtiyak na komportable at naibibigay ang mga kailangan ni Tatay. Siya rin kasi ang kuya na nag-asikaso sa kanila dati.
 
Pero iyong kulit ni Tatay, iyong pabirong panlalait niya, iyon ang lagi kong naalala at nami-miss.
 
Noong minsan na nasa ospital siya, sabi niya pagkalabas ng nurse, “Paano ka ba naman gagaling dito, ang papangit ng nars.”

Nang minsan namang kinakabitan siya ng dextrose, umuungol siya sa sakit. “Aray, aray ko…” paulit-ulit siya. Nang maikabit ang swero, sabi ng nurse, “Okay na tatay. Tapos na.” Sagot ni Tatay na umuungol pa rin, “Alam ko. Bakit, iyan lang ba ang masakit sa akin?”
 
Dalawang araw bago siya namatay, natulog na lang nang natulog si Tatay. Hindi na siya nagsalita; hindi na siya nakapagbiro o nakapanlait.

June 4 ng hapon, 1996, biyahe na si Atong. Tuwing ganitong petsa, naaalala ko kung gaano kasarap magpalinis ng tenga.

Si Joel Saracho ay aktibista at artista sa entablado, telebisyon, at pelikula. Nagtrabaho rin siya sa bulwagang pambalitaan ng ilang istasyon ng telebisyon.
Tags: joelsaracho