ADVERTISEMENT
Filtered By: Lifestyle
Lifestyle
READ

Gawing viral ang magandang ugali


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Commencement Speech at AMA University and Colleges, delivered on May 28, 2018

Mangyari pong tumayo kayo, mga magulang at guardians. Huwag kayong mahihiya, ito na ang bunga ng pinaghirapan ninyo.

Sa mga magtatapos, graduates ng AMA 2018, lumingon kayo, hanapin niyo mga magulang at mahal niyo sa buhay. Palakpakan niyo naman sila! Sige palakpak. Mamaya yakapin niyo at magpasalamat kayo.

Maaari na kayong maupo.

May isang katangiang dapat niyong dala habang buhay, at iyan ay ang pasasalamat.
Tandaan niyo sa araw na ito ang lahat ng taong nakapagbigay sa inyo ng edukasyon. Magbigay kayo ng pagpupugay, at kung wala man sila rito, tawagan o sulatan sila. Sabihin niyo kung gaano kahalaga ang magkaroon ng edukasyon.

Mahalagang ugaliin ang pasasalamat. Ugaliin hindi lamang sa panahon ng pagtatapos kundi bawat pagkakataong maaari.

Lahat tayo rito ay may utang na pasasalamat. Madalas ay hindi natin alam kung paano ito ipahihiwatig.

Tanawin ang utang na loob sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba. Maraming anyo ang ganitong hangarin – isang karaniwang paraan ay kapag kayo na ang magtutustos ng pag-aaral ng iba, gaya ng kapatid.

Pero maaari ring mga gawaing mabuti para sa iba dahil, dahil wala lang.

Dahil puede ring maging karaniwan ang magalang, o pagtulong, kahit lang sa binubully online. Ang paggalang at paggawa ng mabuting asal ay bumabalik sa atin. Sabi nga ng all-time best-seller na libro, isan-daang ulit. At kapag inugali ay maaaring magbunsod ng sunod-sunod na paggawa ng tama. 

Kasabihan ng matatanda na karaniwan noong una ang kagandahang asal. Kaya may tradisyon tayong bayanihan, pagtulong sa kapwa, sama-samang pagkakarga ng mabigat upang ito ay gumaan.

Ang laki ng pinagbago ng panahon. Ang dami sa ugnayan ng tao ay online na, kung saan ang kagandahang asal ay nilulunod ng insulto, kabastusan, pagkamuhi at minsan ay pagbabanta pa. Madalas ay dahil sa hindi naman tunay na balita.

Nagugulat na lang ako kapag ang mga kilala kong mababait na tao ay nagbibitiw ng di kanais-nais na salita sa social media.

Nakakapagbitiw sila ng salitang hindi nila maiisip sabihin ng harapan.

Nakapagtatago sa mga kasarinlang hindi totoo, kungkayat madaling magkalat ng lagim. Tila ba dalawa ang katauhan, o di kaya’y sampu. Sa mga kaganapan ngayon, ang pagpapakita ng kabutihang asal ay isang uri na ng katapangan.

May mga pag-aaral na nagsasabing ang pagkamuhi ang pinakamabilis kumalat na emosyon sa social media, higit pa sa kasiyahan o kalungkutan. Baka ito ang dahilan kung bakit napakadali nating tanggapin na karahasan ang solusyon sa ordinaryong suliranin, at madali ring isipin na may mga tao o uri ng tao na hindi maaaring ituring bilang tao.

Hindi ko mawaring ngayon o sa kalaunan ay magiging mabuti ito para sa ating lipunan. Kaya nga ang pinakamagandang pansangga sa ganitong pagngingitngit ay kumalas pansamantala sa social media. O maaari ring pansamantagal.

Ito ang hamon ng ating panahon. Madaming industriya at kabuhayang nagiging online na. Umuunti ang harapang pakikipag-ugnay. Marami sa inyong mga magiging hanapbuhay ay online, at doon kayo maglilipat-lipat sa pagitan ng inyong kabuhayan at personal na buhay. Marami-rami na rin ang nanagot para sa kanilang masamang ugali na nahuli sa social media.

Malaking bahagi na rin sa oras ko sa bawat araw ay online.  Pero mayroon din akong gawain sa telebisyon, na bahagi na ngayon ng lumang media. Naniniwala pa rin akong mahalaga ang papel ng telebisyon sa lipunan, dahil marami sa atin ang sabay-sabay nanonood nito kasama ng pamilya, hindi gaya ng internet na karaniwang gawain ng nag-iisa.

Isang dahilan kung bakit mahal ko ang trabaho ko sa telebisyon ay ang pangangailangan ng teamwork, ang makalumang paraan ng paglikha ng harap-harapan, parang paggawa ng bahay.

Sa paglikhang ganito, hindi uubra kung online lamang ang mga interbyu, kailangang nandoon ka. Nitong nakaraang linggo lang, galing ako sa Marawi para sa unang anibersaryo ng pagsisimula ng gera roon.

Madaling magalit kung aalamin lang ang sitwasyon sa Marawi mula sa social media. May mga algoritmong siyang pumipili ng iyong makikita batay sa dati mo nang natingnan. Madaling mabulagan sa ganitong paraan.

Pero sa Marawi, nakasalamuha ko ang mga pamilyang naghahanap pa ng mga mahal nila sa buhay, nagtagpo ang aming paningin, nakita ko mismo ang nangyari sa kanilang mga tahanan. May galit ka ring mararamdaman pero harap-harapan ay mahahaluan na ito ng malalim na pakiramdam – na para bagang sa iyo nangyayari ang mga kaganapan.

Sa ganitong mga pagkakataon, lalo kong nabibigyan ng pagpapahalaga ang buhay ko, kung napapa-alalahanang maraming mas bata pa sa akin ang napatid ang buhay sa digmaang ito.

At dahil sa pasasalamat sa mga nagbuwis ng buhay, madalas kong isipin kung may pagkakataon kayang makabawi ng mabuti. Kung hindi sa kanila mismo ay kahit sa ibang taong walang kinalaman sa mga pangyayari. Kalauna’y mararamdaman din ito sa lipunan.

Kaya tayo nagtitipon dito ngayon ay upang kilalanin ang inyong naabot bilang komunidad. Tiyak meron dito ang galing pa sa ibang bansa upang makita ang pagtatapos.

Meron din sa inyo ang nakapagtapos ng online course, at bihirang makatapak sa campus. Ngunit nandito rin kayo ngayon, personal na tatanggap ng inyong diploma, kasama sa isang tunay na komunidad.

Ang kahilingan ko lamang ay alalahanin ang pakiramdam ng komunidad na ito na nagpaparangal sa inyo, at ilapat ang kagandahang asal sa inyong buhay, sa tunay man o sa birtual na buhay. Lahat sana ng pagkatao ninyo online ay mahasa sa kagandahang asal, at maging viral sana ang ganitong ugali.

Congratulations 2018 graduates at sa inyong mga pamilya. Mabuhay kayong lahat!