Commercial seaplane flight mula Maynila patungong Alabat, Quezon pinasinayaan
Alabat, Quezon - Sa kauna-unahang pagkakataon, lumapag ang isang passenger seaplane sa isla ng Alabat sa lalawigan ng Quezon ngayong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat ni Hero Peewee Bacuño ng DZBB Super Radyo dumating ang maiden flight pasado alas 10 ng umaga kanina. sinalubong ito ng mga opisyal ng tatlong bayan sa isla. Nagkaroon ng isang programa sa pier kung saan ay may mga kabataan pang sumayaw.
Kauna-unahang passenger seaplane ang nag-landing sa Alabat Island sa Quezon Province. pic.twitter.com/PTunfoWOIv |via @hero_peewee
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 23, 2016
Ang maiden flight na ito na raw ang pasimula ng pagbubukas ng biyahe mula Maynila patungong Alabat.
Ang isla ng Alabat ay nasa bahagi ng eastern Quezon na sakop ng Pacific Ocean.
Maaari itong marating sa pamamagitan ng roll-on/roll-off ferry at bangka mula sa bayan ng Atimonan.
Isang oras at kalahati ang biyahe ng ferry mula sa Atimonan. Kung magmumula sa Maynila ay aabutin ng pito hanggang walong oras kung magba-biyahe sa bus.
Ngayon, sa pamamagitan ng commercial flight na ito, mula Maynila ay aabot na lamang sa 30 hanggang 40 minuto ang biyahe.
Ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng alabat, malaki ang maitutulong ng commercial flight sa papalagong turismo ng isla.
Anila, marami na raw ang magtutungo dito upang makita ang mga itinatagong ganda ng isla ng Alabat. — APG, GMA News