ADVERTISEMENT
Filtered By: Money
Money

President Aquino’s statement during the signing of the 2012 National Budget


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magandang umaga po. Maupo ho tayong lahat.   Vice President Jojo Binay; Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Executive Secretary Paquito Ochoa; Secretary Florencio Abad; Senator Frank Drilon; Senator Edgardo Angara; Deputy Speaker Maria Isabelle Climaco; Representative Thelma Almario; Majority Floor Leader Neptali Gonzales; Chairman of the Appropriations Committee Joseph Emilio Abaya; honorable members of the Cabinet; honorable members of the House of Representatives; Governor Alfonso Umali; other local government officials present; civil society groups and partners for development; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong mga kababayan:   Magandang umaga po sa inyong lahat.   Mula’t sapul pa lamang po, nilinaw natin ang ating agenda: kaunlaran, hindi lamang para sa iilan, kundi para sa nakararami, kung hindi sa lahat po, ng ating mga kababayan. At hanggang sa ngayon, hindi pa rin po tayo natitinag o nanlalambot sa pagpapatupad ng ating panata para sa mas malawak na katarungang panlipunan.   Narito po tayo ngayon para patuloy itong panindigan—at para ito’y pondohan at isakatuparan sa pamamagitan ng Pambansang Gugulin para sa taong 2012. Kanina lang ay nasaksihan ninyo ang ating paglagda sa ating Budget: ang pinakamaagang pagsasabatas sa taunang Budget mula nang mabawi natin ang demokrasya noong 1986. Tunay pong makasaysayan ang araw na ito.   Kaya naman nais kong magpasalamat sa mga kagalang-galang na kasapi ng Kongreso, sa pamumuno nina Senate President Enrile at House Speaker Belmonte, katuwang sina Senate Finance Committee Chair Frank Drilon at House Appropriations Chair Jun Abaya. Kung hindi dahil sa kanilang maagap na pagkilos—at higit sa lahat, kung hindi dahil sa kanilang patuloy na pagtangkilik sa mga prayoridad ng mamamayan—hindi po tayo makakarating sa puntong ito ngayon.   Siyempre, nais ko rin pong pasalamatan ang mahuhusay at masisipag nating kawani sa mga kagawaran at ahensiya—partikular na ang mga taga-Department of Budget and Management—na masusing naghanda sa panukalang Budget at nagdepensa nito sa Kongreso.   Noong ika-27 ng Hulyo ngayong taon—isang araw matapos ang aking State of the Nation Address—inihain natin sa Kongreso ang panukalang “Results-Focused Budget of 2012.” Sa pamamagitan nito, sinikap nating maipagpatuloy ang mga repormang nasimulan na natin. Mariin nating sinabi: ang Paggugol na Matuwid Ay Diretso sa Tao.   Nakatuon po tayo sa isang simpleng paninindigan: na ang bawat pisong ginagasta ng pamahalaan ay napapakinabangan ng mamamayan—lalo na ng mahihirap—sa paraang tuwiran, agaran, at makabuluhan. Kaya naman, itinututok natin ang 2012 Budget sa mga prayoridad ng ating Social Contract with the Filipino People.   Para magawa ito, muli nating ginamit ang Zero-Based Budgeting para ilipat ang pondong dati’y nasasayang sa mga walang-saysay na programa, patungo sa mga prayoridad ng mamamayan: edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang serbisyong maitatawid—at pagdating ng panahon, maiaahon—sila sa kahirapan.   Hinati-hati din po natin ang mahigit-kumulang isandaan at limampung bilyong “lump-sum funds” sa mga tukoy na programa at proyekto. ‘Di gaya ng nangyari sa nakaraang administrasyon kung kailan kay dali nitong nabukulan ng kung sinu-sino, ngayon po, simula pa lamang ay alam na kung saan ilalaan ang pondong ito. Bukod sa mga ito, siniguro po nating mas malaking bahagdan ng pambansang gugulin ang nakalaan sa mga rehiyon—mula tatlumpu’t walong porsiyento patungong apatnapu’t apat na porsiyento—at higit na lumago ang budget na nakalaan para sa Visayas at Mindanao.   Patuloy po nating binibigyang-prayoridad ang mga serbisyong makapag-aahon sa mga kababayan natin sa kahirapan. Nakalaan ang mahigit tatlumpung porsiyento ng pangkalahatang Budget natin sa Social Services Sector, na nagkakahalagang 568.6 billion pesos.   Bahagi nito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na pinaglaanan natin ng 39.5 billion pesos upang maabutan natin ng conditional cash transfer ang tatlong milyon sa pinakamahihirap na pamilyang kababayan natin. Katuwang nito, patuloy tayong nagpupundar sa kakayahan at kinabukasan ng ating mga kababayan.   Hinigitan na natin ang nakalaang budget para sa basic education: ang Department of Education ay magkakaroon ng 238.8 billion pesos sa susunod na taon—ang pinakamalaking budget sa hanay ng mga Kagawaran—at tutustusan nito ang pag-empleyo sa 13,000 bagong guro; pagpapatayo at pagpapaayos ng mahigit 43,000 silid-aralan; at iba pang kinakailangan para masiguro natin ang de-kalidad na edukasyon sa mahihirap nating kabataan. At gaya po ng taunang nangyayari mula nang umupo tayo sa puwesto, dumagdag din po ang pondo para sa ating mga State Colleges and Universities.   Gayundin po ang Department of Health: sa pamamagitan ng 44.4 billion pesos na budget nito sa 2012, magkakaroon ng Health Insurance Subsidy ang 5.2 million beneficiaries sa ating pinakamahihirap na kababayan; makakapag-empleyo ng dagdag na mahigit labintatlong libong doktor, nars, at komadrona sa kanayunan; makakapagpatayo ng mga rural health facilities, lalo na ang mga ligtas na paanakan; at iba pang kritikal na serbisyong pangkalusugan.   Higit din po nating tinutustusan ang mga imprastrukturang susuporta sa paglago ng ating ekonomiya at paglikha ng trabaho. Halos 255.2 billion pesos—mahigit 33 porsiyento ang itinaas kumpara sa kasalukuyang taon—ang ipupundar natin sa infrastructure and other capital outlays: mga kalsada’t tulay; paliparan, daungan; sistemang pang-irigasyon at iba pang imprastrukturang pang-agraryo; mga pambalakid sa baha’t pagguho ng lupa, at iba pa.   Tinututukan natin ang hangarin natin: na ang bigas na sa Pilipinas isasaing ay dito rin itatanim, aanihin, at bibilhin. Paraan din po ito para mabigyan ng makabuluhang kabuhayan ang mahihirap na magsasaka sa kanayunan.   Ang Department of Agriculture ay magkakaroon ng budget na 53.3 billion pesos sa susunod na taon—mas malaki ng mahigit 50 porsiyento kumpara sa kasalukuyang budget—upang maatim natin ang produksyon ng 18.57 milyong metro-toneladang palay sa taong 2012. Ang maganda po dito: ang pondo ay mananatili sa loob ng Pilipinas upang lalong pasiglahin ang ekonomiya, sa halip na mapunta sa ibang bansa at magpayaman ng iba.   Ang bawat pisong ating gugugulin sa susunod na taon ay sisiguruhin nating magdudulot ng kongkreto at masusukat na resulta na mapapakinabangan ng mahihirap nating kababayan. Sa kabila nito, may mga nagsasabi pa rin po: dahil daw po sa reporma, bumabagal ang paggastos ng pamahalaan.   Ang sa atin lang po: aanhin ang paratsa-ratsadang paggastos, kung hindi naman napupunta ang pera sa dapat nitong puntahan? Sa tuwid na landas, ang mga proyekto ay de-kalidad at hindi nabubukulan; ang nakikinabang ay ang taumbayan.   Gayumpaman, batid po natin ang patuloy na pagbagal ng pandaigdigang ekonomiya, kaya kailangan na dito sa ating bansa manggaling ang paglago. Tinitiyak po natin ngayon: sa pagpasok ng 2012, mas mabilis nating maipapatupad ang mga programa at proyektong pinopondohan ng ating Pambansang Budget.   Inatasan ko na po ang mga kagawaran at ahensiya natin na simulan nang asikasuhin ang pagpapa-bidding at pagkontrata sa mga proyekto, lalo na ang imprastruktura. Inaasahan po nating mahigit-kumulang isandaan at apatnapung bilyong pisong halaga ng mga proyektong pang-imprastruktura ang masisimulang ipatupad pagpasok ng Enero. Kasabay nito, inatasan ko na rin po silang bilisan ang pagpapatupad sa kanilang mga proyekto sa ilalim ng 2011 Budget. Para suportahan ito, inatasan ko na rin ang DBM na siyasatin at baguhin ang mga prosesong nagpapabagal sa pagpapatupad sa mga programa at proyekto.   Patuloy po tayong naghahanap ng makabagong mga paraan, para ang mga benepisyo mula sa kaban ng bayan ay mapabilis ang dating kay Juan dela Cruz. Inatasan ko po ang Gabinete, sa pamumuno ng Economic Development Cluster, na bumuo ng isang sistema kung saan mabibigyang-pabuya ang mga ahensiyang mabilis at maayos magpatupad ng kanilang mga programa at proyekto, at mapaparusahan naman ang mga ahensiyang mabagal at maaksaya sa paggastos.   Ididiin ko lang po, hindi lamang bilis ng paggastos ang sinusukat natin dito, kung hindi ang mga aktuwal na resulta ng paggastos: mula sa mga kilometro ng kalsadang dapat nilang ilatag, hanggang sa libel ng kalidad ng kabuhayan ng mga komunidad.   Gaya po ng lagi kong idinidiin, ang inyong gobyerno ay nakatuntong sa matibay na batayang prinsipyo: Katarungan, sa bawat aspekto ng lipunan. Alam po ninyong kumikilos na tayo upang maisakdal ang mga namuno nang baluktot o naki-apid sa mga tiwali.   Sabay po nito, sagisag ang Budget na ito ng pang-araw-araw at pangmalawakang aspekto ng katarungan: ang pagsigurong walang Pilipinong naiiwan; na ang bawat isa ay may pagkakataong magsikap upang maabot ang kanilang mga adhikain; na ang sistema ay hindi lamang para sa mga makapangyarihan, kundi umaaruga din—at lalo na—sa mga nasa laylayan.   Paalala ko lang po sa ating mga kagawaran at ahensya: tayo po ang nasa frontline ng pagbabagong kultural ng pamahalaan. Nakabantay po ang taumbayan sa atin, kaya’t tiwala akong ilalantad ninyo sa publiko nang maliwanag ang inyong mga gastusin.   Tunay nga po: makakamtan lang natin ang katarungan kung ang mga nasa poder ay nananagutan sa mga nagluklok sa kanila. Pananagutan ko po iyon: pananagutan ko sa milyun-milyong naghalal sa akin noong Mayo ng taong 2010, at sa milyun-milyong kababayan nating patuloy na nagbibigay-tiwala sa ating panunungkulan.   Sa pamamagitan ng Results-Focused Budget of 2012, kasama ang buong pamahalaan, sinasabi ko sa inyo: ang pera ninyo ay gugugulin para sa inyong kapakanan; ang bawat piso nito ay handa naming panagutan; kayo pa rin po ang aming mga Boss.   Maraming salamat po. Magandang araw po sa inyo. http://www.gov.ph/2011/12/15/president-aquinos-speech-during-the-signing-of-the-2012-budget-december-15-2011/  -End-