Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Dakila Ka Aking Ina


Dakila Ka Aking Ina Ni Francis Morilao Bakit ba hanggang ngayo'y wala ka pa? Sabi mo'y sandali lang, ngunit mag-iisang taon na; Sa langit, panay nakatingala, Nag-aabang at nakatunganga. Hinahanap-hanap ko ang iyong pagkawala, Lagi na lang tanong, kung saan ka nagpunta; Hinahanap-hanap ang iyong kalinga, Palaging nagmamaktol, kasi hindi ikaw kasama. Sa pagtulog ko, halik na lang ni lola, Ang nakapagpapatila ng aking mga luha; Sa tuwing mamasdan, larawan mo sa tuwina, Katabi sa pagtulog, nasa ilalim ng punda. Sa mga kalaro, ikaw ang aking bida, Kahit na kasama nila, ang kanilang ina; Maging sa eskuwela ay tinatanong ka, Kung kailan magbabalik, kanilang amiga. Dakila ka, Oh aking Ina, Naiwan ako rito, iba ang iyong alaga; Anuman sa iyo'y kanilang hinuhusga, Dahil trabaho mo, sa kanila'y aba, Medalya ko, pagdating mo’y ibabandila. ----------------------------------------- Mabuhay ka! Kabayan kong Filipina, Sana sa tula kong ito, dagli kang guminhawa; Nadarama ko, ang iyong pangungulila, May awa ang Diyos, muli kayo'y magsasama-sama. – GMANews.TV Tungkol sa may-akda: Si Francis Morilao ay isang manggagawang Pinoy na nasa Doha, Qatar. Sa pamamagitan ng GMANews.TV/KwentongKapuso, nais niyang maibahagi ang kanyang mga nalikhang tula sa kanyang mga kababayan. Mababasa ang mga ito kanyang blog na mga kathang isip ni Kiko. Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!