Filtered By: Topstories
News

Gawing Western Philippine Sea: Tawag sa South China Sea, pinapapalitan ng kongresista


MANILA – Dahil sa pinabagong insidente ng pagpasok umano ng Chinese military ships sa karagatang sakop ng Pilipinas, hiniling ng isang kongresista na pag-aralan ng Kongreso kung papaano mapapalitan ang tawag sa South China Sea at ideklara na itong Western Philippine Sea. Sa House Resolution 1350, sinabi ni Akbayan Rep. Walden Bello, na mapapalakas ng Pilipinas ang posisyon nito sa pag-angkin sa naturang bahagi ng karagatan kung isusunod ang tawag dito sa pangalan ng bansa, sa halip na sa China. “The Philippines government must assert its authority over Philippine territories. By renaming the South China Sea to Western Philippine Sea, we are taking a proactive move that strengthens our claim to these controversial waters and the natural resources found within," ayon sa kongresista.
Photo courtesy of Department of Foreign Affairs.
Sa isang pahayag mula sa Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules, inilabas nito ang mga larawan na nagpapakita ng ilang sasakyang pandagat ng China na pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas, na hindi kalayuan sa mainland Palawan. Batay sa impormasyong ibinigay ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines, ang mga sasakyang pandagat ng China na nakita sa bahagi ng Iroquois Reef-Amy Douglas Bank sa West Philippine Sea. (Basahin: China pinagpapaliwanag ng ‘Pinas sa nakitang barko sa Reed Bank) Ilang dekada na umanong ipinipilit ng China na sakop ng kanilang teritoryo ang bahagi ng South China Sea na puno ng yamang-dagat at pinapaniwalaan na may malaking deposito ng langis. Ngunit ayon kay Bello, ginagamit na bentahe ng China ang naturang tawag sa karagatan bilang South China Sea China, gayung makikita naman na mas malapit ang bahagi nito sa Pilipinas. “China has been bullying its way to establish dominance over marine resources that are clearly within Philippine territory. It has been using the same tactics in pursuing its claim to the Spratlys group of islands," giit ni Bello. “Ano pa ba naman ang pipigil sa incursions, samantalang mismong ang dagat ay nakapangalan sa kanila?," puna pa ng kongresista. Sinabi ni Bello na panahon na para ipaalam ng Pilipinas sa China at igiit na respetuhin nito ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino sa bahagi ng karagatan na sakop ng Western Philippine Sea. “And there is no better way to do that than to declare that body of water as Western Philippine Sea," pahayag ni Bello. - FRJ, GMA News