Filtered By: Topstories
News

Ang iba pang Panday


Muling mapapanood sa mga sinehan sa Disyembre ang bagong yugto ng Panday movie na muling pagbibidahan ni Sen Bong Revilla Jr. Pero alam niyo ba kung nakailang installment ng pelikulang Panday ang unang Flavio na si Fernado Poe Jr.? Ang Panday ay unang nasilayan sa komiks na katha ng manunulat at director na si Carlo J Caparan noong 1970s. Ang pangunahing karakter sa Panday ay si Flavio na unang ginampanan sa pelikula ni Poe noong 1980 sa Ang Panday. Naging kalahok ang Panday ni FPJ sa taunang Metro Manila Film Festival. Nasundan ito ng Ang Pagbabalik ng Panday noong 1981; Ang Panday Ikatlong Yugto noong1982, at Panday: Ikaapat na Aklat noong 1984. Taong 1993 nang gawin ni Sen Bong ang Ang Dugo ng Panday at gumawa naman si Sen Jinggoy Estrada ng Hiwaga ng Panday noong 1998, kunsaan katambal niya si Kris Aquino. Maging si Joey De Leon ay gumawa ng comedy version ng Panday noong 1998 na may titulong Pandoy, Ang Alalay ng Panday. Nagkaroon ng bersiyon sa telebisyon ang Ang Panday na pinagbidahan ni Jerico Rosales noong 2005 at cartoon series na hango sa karakter ni FPJ noong 1986. Sa 2009 MMFF, naging top-grosser ang muling pagbuhay sa Panday na pinagbidahan muli ni Sen Bong bilang si Flavio. Pagkaraan ng dalawang taon, muling masasaksihan sa 2011 MMFF sa darating na Disyembre ang pakikipagsapalaran ni Flavio sa Panday 2 sa ilalim ng direksiyon ni Mac Alejandre. Kasama sa Panday 2 sina Marian Rivera, Iza Calzado, Philip Salvador, Kris Bernal, Rhian Ramos, Benjie Paras at marami pang iba. - FRJ, GMA News

Tags: panday, panday2
LOADING CONTENT