ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PSBank records ni Corona mula sa prosecution, peke umano ayon sa testigo


Peke ang mga bank record ni impeached Chief Justice Renato Corona na inihain ng prosecution team sa impeachment court, inihayag ng manager ng PSBank Katipunan branch nitong Lunes.
 
"They are fake documents... These did not come from our bank. They are not replica of genuine documents," ani PSBank branch manager Anabelle Tiongson.
 
Naunang inihayag ni Mindoro Rep. Reynaldo Umali sa Senate impeachment court na mayroong anonymous lady umanong nagbigay sa kanya ng PSBank records ni Corona na nagpapakitang mayroong umanong $700,000 ang punong mahistrado sa kanyang mga account.
 
Isinama ng prosecution ang mga dokumentong ito sa mosyon na kanilang ipinasa sa impeachment court upang i-subpoena ang bank records ni Corona.
 
Nang tanungin siya ni Senate President at presiding officer Juan Ponce Enrile kung huwad ang mga dokumentong ito, sinabi ni Tiogson na forged nga umano ang mga ito. 
 
Ayon kay Tiongson, isinasagawa ang PSBank records sa computer ng bangko at mayroong bar codes na nakalagay sa mga pahina.
 
Inihayag naman ni Umali sa impeachment court na mayroong "small lady" umanong nagbigay sa kanyang ng sobre na may lamang bank records sa labas ng Senate building nitong nakaraang linggo.
 
Ngunit sa ulat ng Senate sergeant-at-arms, walang natagpuang "small lady" sa closed circuit television recordings, ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III nitong Lunes.
 
"It does not contain any little ladies giving anything to Representative Umali, from the time he arrived at one o’clock up to the time that he boarded his vehicle," ayon sa majority floor leader.
 
Hindi nagmula sa PSBank Katipunan
 
Giit ni Tiongson, hindi nagmula sa kanilang branch ang mga dokumento sa peso at dollar accounts ni Corona sa PSBank na ginamit ng prosecution sa subpoena requests nito.
 
Aniya, sa kanyang branch, nakatago ang mga specimen signature cards ng mga kliyente sa isang steel cabinet sa loob ng vault.
 
Ayon sa kanya, mayroong dalawang tao -- Emelyn Dizon at Almond Raquiza -- na nakatalaga ng primary custodians para sa signature specimens. Hindi umano niya makukuha ang mga dokumento kung walang pahintulot nina Dizon at Raquiza.
 
Maliban sa kanilang branch, may mga kaparehong dokumentong matatagpuan sa main office ng bangko. Nakita rin ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa audit noong nakaraang taon, inihayag ng testigo sa impeachment court.
 
Ipinaliwanag ni lead prosecutor Niel Tupas Jr. sa impeachment court na ibinigay umano ni Umali sa kanyang mga dokumento sa isang pagpupulong sa hotel sa Roxas Boulevard.
 
Isinama ng prosecution ang mga dokumento mula sa anonymous source sa kanilang subpoena request sapagkat duty-bound umano silang ipaalam ito sa Senado, ayon kay Tupas.
 
Binigyan lamang ng prosecution team ng 24 oras upang ipaliwanag kung paano nila nakuha ang records sa bank account ni Corona. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News