Filtered By: Topstories
News

WATCH: Misteryo ng taong 'pugot' sa loob ng isang simbahan sa Iloilo, bibigyan ng linaw


Ano nga ba ang katotohanan sa likod ng kumalat na larawan sa social media na makikita ang isa umanong taong pugot habang nasa loob ng isang simbahan sa Iloilo city?

Sa ulat ni Charlotte Tan ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Martes, sinabing maraming haka-haka ang lumabas muna nang kumalat sa social media ang naturang larawan ng taong pugot.

May mga naniniwalang multo iyon ng isang pari, habang ang iba ay naniniwalang minanipula ang larawan gamit ang editing software.



Base sa mga impormasyong nasa social media, may nagsabing kuha ang litrato sa Molo church sa Iloilo city. Pero sa pagtatanong ng GMA News, napag-alaman na ang larawan ay kuha sa loob ng Santa Maria Parish church sa nasabi ring lungsod.

Sa Facebook post ng isang nagngangalang Michael Francis Misola, sinabi nito na hindi pari kung hindi isang matandang babae ang nasa kumakalat na larawan.

Nagmukha lang daw pugot ang ulo ng babae dahil sa anggulo ng camera.

Ipinakita rin niya ang kuha daw ng kaniyang kapatid sa naturang babae.

Nang makausap umano ni Misola ang babae, nalaman niya na may sakit ito na dahilan ng pagiging kuba at halos kadikit na ng dibdib ang kaniyang ulo.

Ang kuwento ni Misola ay sinuportahan naman ng ilang taong nagtitinda sa labas ng simbahan na nakausap ng GMA News.

Madalas daw na mahaba ang suot na damit ng babae katulad ng abito ng pari.

Noong Abril 19 nang unang pinag-usapan sa social media ang litrato at mula noon ay kumalat na ang napakaraming haka-haka.

Nabigo naman ang GMA News na matunton ang kinaroronan ng babae at ng kaniyang pamilya.

Gayunman, umaasa ang mga nakakakilala sa babaeng nasa larawan na nabigyang-linaw na ang unang inakalang misteryo sa likod ng larawan, at patunay na hindi totoo ang akala ng iba na may multo ng paring pugot sa simabahan ng Iloilo. -- FRJ, GMA News

Tags: pugot, mystery
LOADING CONTENT