Filtered By: Topstories
News

Mga aktor na naging vice mayor ng Makati City


Kilala ba ninyo kung sino ang dalawang aktor na naging bise alkalde ng Makati City? Ang isa sa kanila, muntik pang hindi makaupo sa puwesto matapos kuwestiyunin ang kaniyang citizenship.

Panandaling naging bise alkalde ng Makati noong 1989 ang aktor na si Augusto Pangan na mas kilala sa showbiz bilang si Chiquito.

Ilang beses din siyang naging konsehal ng lungsod mula noong 1969 hanggang sa pumanaw siya noong 1997 dahil sa karamdaman.

Tumakbo rin siyang senador noong 1992 election bilang nabigo.

Taong 2001 naman nang mahalal na bise alkalde ng lungsod ang aktor na si Eduardo Barrios Manzano, na mas kilala sa showbiz bilang si Edu Manzano.

Tinalo ni Edu sa dikit na laban ang dating bise alkalde rin ng Makati na si Ernesto Mercado.

Muntik nang hindi makaupo si Edu sa kaniyang puwesto nang pigilin ang kaniyang proklamasyon nang kuwestiyunin ang kaniyang citizenship dahil isinilang siya sa Amerika. Gayunman, kapwa mga Pinoy ang kaniyang ama't ina.

Pero sa huli, idineklara ng Commission on Election na Pilipino ang aktor at kuwalipikado siyang tumakbo sa halalan at hawakan ang napanalunang lokal na posisyon.

Noong 2010 presidential elections, tumakbong bise presidente si Edu sa Lakas-CMD standard bearer na si Gilbert Teodoro pero kapwa sila nabigo. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia