Filtered By: Topstories
News

Iglesia ni Cristo, itiniwalag ang ina at mga kapatid ni Eduardo Manalo


Inihayag ng Iglesia ni Cristo (INC) nitong Huwebes na itiniwalag na bilang miyembro ang ina at mga kapatid ni executive minister Eduardo Manalo dahil sa paglikha umano ng "pagkabaha-bahagi sa Iglesia."
 
"Hindi po makakapayag ang kapatid na Eduardo Manalo ang kasalukuyang tagapamahalang pangkalahatan na ang Iglesia ay guluhin ng sinumang tao," pahayag ni INC General Evangelist Bienvenido Santiago sa ipinatawag na pulong balitaan nitong Huwebes.
 
"Kaya masakit man sa loob ng kapatid na si Eduardo Manalo ay ipinasya nila na itiwalag iyong mga lumilikha ng mga pagkabaha-bahagi sa Iglesia," dagdag niya.
 
Ang pahayag ay ginawa ni Santiago matapos lumabas sa social media nitong Miyerkules ng gabi ang video ni Cristina "Tenny" Manalo, biyuda ni Eraño "Erdy" Manalo, at anak niyang si Felix Nathaniel "Angel" Manalo.
 
Sa video na tumagal ng isang minuto at 54 segundo, nanawagan ng tulong ang mag-inang Tenny at Angel dahil sa banta umano sa kanilang buhay at ilang kaanib.
 
"Mga kapatid namin sa Iglesia ni Cristo, nanawagan po kami sa inyo dahil nanganganib po ang aming buhay. Sana'y matulungan niyo po kami," saad ni Angel sa video.
 
Pahayag naman ni Tenny, "At sa akin anak na si Eduardo, sana'y makausap kita."
 


Si Erdy ang namuno sa INC sa loob ng 46 taon, matapos pumanaw ang kaniyang ama na si Felix Manalo, na siyang nagtatag ng INC noong 1914.
 
Nang pumanaw si Erdy noong 2009, humalili bilang tagapamahalang pangkalahatan si Eduardo.
 
Maliban kina Tenny at Angel, itiniwalag din sina Marco Eraño Villanueva Manalo at Lolita Manalo Hemedez, nakababatang kapatid nina Eduardo at Angel.
 
Ayon kay Santiago, ipapaalam ang desisyon ng INC sa church services simula sa Huwebes.
 
Dagdag niya, ang video nina Terry at Angel ay bahagi lamang ng plano ng dalawa para makakuha ng suporta.
 
"Ang basa namin doon sa ipinahayag nila kagabi sa YouTube, ibig lamang nilang makakuha ng mga tao na magsisimpatya sa kanila para nang sa ganoon ay makuha talaga nila iyong mga gusto nila na mapakialaman ang pamamahala sa Iglesia," paliwanag ni Santiago.
 
"Dapat malaman ng lahat na ang Iglesia ay hindi isang korporasyon na pampamilya. Ito ay isang relihiyon na ang sinusunod ay ang mga patakaran at mga aral ng Diyos na nakasulat sa bibliya," patuloy niya.
 
Pinabulaanan din ni Santiago ang ulat na dinukot ang ilang ministro ng INC dahil sa nangyaring hidwaan sa pamilya Manalo. -- FRJ, GMA News