Filtered By: Topstories
News

Nangholdap sa mga pasahero ng bus, hinoldap din daw ng kaniyang kasabwat


Nadakip na ang isa sa dalawang suspek sa panghoholdap sa mga pasahero ng isang bus sa Edsa- Kamuning sa Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw. Pero ang gamit ng mga biktima, hindi nabawi sa suspek dahil sa paliwanag na hinoldap din daw siya ng kaniyang kasabwat.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabing nadakip ng mga awtoridad si Allan Leoniza de Chavez matapos siyang makilala ng apat na biktima sa photo gallery ng Kamuning Police Station ng mga dati nang naaresto.

Kaagad na pinuntahan ng mga pulis ang tirahan ni de Chavez sa Antipolo, Rizal at naaresto ito.

Ayon kay P/Supt. Robert Sales, commander, Station 9 QCPD,  dati nang nakulong si de Chavez dahil sa reklamong robbery holdup pero nabasura ang kaso nang hindi na dumalo sa pagdinig ang mga biktima.

Pero nang makalaya, bumalik umano ito sa masamang gawain.

Paliwanag niya, naingganyo lang daw siyang mangholdap ng kasamang si "Alyas Botchok" dahil sa kailangan niya ng pera matapos ma-caesarean ang asawa.

Dagdag nito, pinagamit din umano siya ng droga ni Botchok at binigyan ng baril na kalibre 38.

Pero hindi rin daw niya napakinabangan ang mga gamit na natangay sa mga pasahero dahil kinuha raw ito ni Botchok.

"Pagbaba namin hinoldap din ako, yung baril na hawak niya itinutok sa akin. Bigay ko raw sa kaniya yung baril, inagaw pa sa akin ang bag," kuwento nito.

Apat na biktima ang nagsampa ng reklamo laban sa suspek, habang hinahanap pa ang kasabwat niyang si Botchok.

Nangako naman ang pulisya na lalo pa nilang hihigpitan ang seguridad para hindi na maulit ang nangyari. -- FRJ, GMA News