Nakikipag-ugnayan na raw sa abogado ang ginang ng isang pasyente na nahulog sa stretcher habang dinadala sa ospital sa Surigao City. Paniwala niya, maaaring nabuhay ang kaniyang asawa kung hindi nangyari ang insidente.

Sa ulat  ni Tina Panganiban-Perez sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing iniimbestigahan na ng Sangguniang Panglusod ng Surigao City ang nangyari kay Hennebel Labaclado.

Base sa mga naunang ulat, inatake sa puso ang pasyente kaya dinala sa ospital.

Pero nang ibababa na sa ambulansiya, nahulog ang pasyente mula sa stretcher.

Ang misis ni Labaclado na si Jacquiline, ipinatawag ng Sanggunian para ipakuwento ang nangyari sa asawa na pumanaw kinalaunan.

Giit ni Jacqueline, buhay pa sana ang kaniyang asawa kung hindi raw nabagok ang ulo nito dahil sa pagkakahulog.

"Para pong isang ano ang pagkahulog niya, parang niyog na nahulog...napakalakas po talaga ng impact," saad ng ginang.

Nakikipag-ugnayan na umano si Jacqueline sa Public Attorney's Office dahil balak na niyang idemanda ang Surigao City Emergency Rescue Services dahil sa sinapit ng mister.

"Malay mo po baka naano pa 'yon [nabuhay] kung hindi nahulog. Ulo po yung naano," saad niya.

Ipinakita ng GMA News sa ilang eksperto ang CCTV video sa nangyari sa pasyente at may nakita silang pagkakamali sa mga tauhan ng ambulansiya.

"Yung stretcher mismo kung mayroon siderails na nakataas dapat, saka may strap. Kailangan sini-secure natin yung safety ng ating mga pasyente," ayon kay Dr. Arnold Roque, medical officer ng Jose R Reyes Memorial Medical Center.

May napuna rin na pagkukulang ang emergency responders ng Manila Disaster Risk reduction and Management Office sa ginawa ng mga tauhan ng ambulansya.

"Masyadong naging complacent yung ating responders. The way I look at it, hinila lang niya na basta-basta without the assistance ng kaniyang mga kasama.  As much as possible, hanggat hindi natin nasi-secure yung mga gulong na nakalapat na sa baba hindi natin 'to dapat hinihila bigla-bigla, lalo na kung wala tayong mga assistants ," ayon kay Jhune Tolentino, EMT Deputy Admin, Manila-DRRMO. -- FRJ/KVD, GMA News