Filtered By: Topstories
News

Radio announcer sa Dagupan binaril sa harap ng bahay, sugatan!


Malubhang nasugatan ang isang radio announcer sa Dagupan, Pangasinan matapos siyang barilin sa harapan ng kanyang bahay ng dalawang di kilalang suspek, ayon sa ulat ng dzBB radio nitong Linggo. Ayon sa ulat, nangyari ang pamamaril kay Allan Sison, announcer ng local "Love Radio" station, sa De Venecia Road, Dagupan dakong 11:30 pm noong Biyernes. Nagtama ng dalawang tama ng bala sa dibdib at isa sa bahaging kili-kili si Sison ngunit ligtas na umano ito sa panganib. Nakatakas naman ang dalawang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo. Ayon kay Senior Superintendent Isagani Neres, hepe ng Dagupan police, lumitaw sa paunang imbestigasyon na si Sison, kilala sa tawag na "Dr. Heart," ay nakikipag-usap sa isang Lily Duque sa labas ng kanyang bahay nang paputukan ito ng mga suspek. Mabilis umanong tumakas ang mga suspek habang si Sison ay isinugod kaagad sa pagamutan. - GMANews.TV