Filtered By: Topstories
News

The Peninsula Manila bukas na sa Lunes


Handa na muling tumanggap ng bisita ang The Peninsula Manila sa Makati City sa Lunes, apat na araw matapos sumugod dito ang grupo nina Sen. Antonio Trillanes at dating Brig. General Danilo Lim upang muling iginiit ang pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa ulat ng GMA’s Flash Report nitong Linggo, sinabi ni Stephanie Chong, special event manager ng The Pen, halos 90 porsiyento ng mga nasira sa hotel ay naayos na. Kabilang sa mga inayos ay ang pintuan na nawasak nang ipasok dito ng tropa ng pamahalaan ang isang military armored personnel carrier (APC) na nagbibigay suporta sa Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) na nagpasuko kina Trillanes noong Nob 29. Ang mga carpets na nasira dahil sa mga ibinatong tear gas ng SAF, maging ang mga nabasag na salamin ay pawang napalitan na. Naglagay din ng mga dekorasyon para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Idinagdag ni Chong na hindi naapektuhan ng anim na oras na pag-ukupa ni Trillanes ang bilang sa kanilang reservations. Aniya, ang mga naka-check in sa kanilang hotel na inilipat pansamantala sa ibang hotel dahil insidente ay maaari ng bumalik sa Lunes. - GMANews.TV